MASANTOL, Pampanga — Bukod sa pagkonserba ng tubig ay nakakaani pa ng sariwang isda at gulay ang Masantol Philippine National Police Station dahil sa kanilang aquaponics farming.
Malaking tulong daw ito sa gitna ng mainit na panahon, ayon kay Maj. Anselmo Pineda, hepe ng Masantol police station, dahil nakapagtipid sila ng tubig sa pamamagitan ng aquaponics farming.
Hindi na kasi sila nagpapalit ng tubig na ginagamit sa pagpapalaki ng isda na nasa kanilang water tank na siya namang ginagamit na din pandilig sa pagpapalaki ng mga tanim nilang gulay.
Ani Pineda, ang nutrient-rich water na mula sa fish tank ang nagsisilbing natural fertilizer para sa mga tanim na gulay habang ang mga ugat naman ng gulay ang nagpu- purify ng tubig pabalik sa fish tank.
Nasa dalawang buwan na ngayon mula nang simulan nila ito at araw-araw na silang umaani ng litsugas pechay, mustasa, talong, kamatis at kangkong bukod pa sa nasa 500 hito na nasa dalawang fish tank.
Bukod sa nakatitipid sila ngayon sa pagkain at gulay para sa pulisya at sa mga detainees ay naibebenta na din nila ito na makukuhanan ng pandagdag panggastos.
Naging libangan na din aniya ng mga detainees ang paggawa ng mga styro cup, ipa at coco peat.
Ani Pineda, ang proyektong ito ay paghikayat din sa mga residente na maari namang makagawa ng mga clean and green projects sa kanilang mga bakuran para makatulong sa kalikasan.