Kapag ikinakasal, ang tinig na nagsasabing “Opo, Padre, tinatanggap ko” ng kasuyo ay napakatamis din. Ang tinig din na nagsasabing “Mahal, magkaka-baby na tayo” ay isa ring napakatamis na tinig at mga salitang marinig.
Sa pagsilang ng anak, ang unang uha ng sanggol, ay isang tinig na ring masasabi sa pandinig ng ama at ina. At kapag nag-uumpisa nang magsalita ang bata, ang tinig na nagsasabing “Pa…pa, Ma…ma” ay napakasarap sa pandinig.
Pero bakit nga naman ganoon? Kapag malaki na ang bata at marami nang pangungulit na naririnig, ang tinig niya ay hindi na masarap sa pandinig. Pinipigilan pa nga ang bata na huwag magsasalita, huwag ulit-ulitin ang pangungulit. May banta pa nga: “baka tamaan na naman kita riyan kapag hindi ka tumigil sa pangungulit”.
Naalala ko, sa sermon na iyon ng pari, ang isang kuwentong narinig ko. Kapag nagliligawan daw ang isang binata at dalaga, ang salita nang salita ay ang lalake. Marami siyang nasasabi, marami siyang ipinangangako, marami siyang ikinukuwento, at marami siyang mga pagsamo para lang malaglag ang matamis na “Oo” ng nililigawan. Si Dalaga, bihirang kumibo. Sa pagsagot sa pagluhog ng binata, kung ibibigay na niya ang kanyang “Oo”, ni wala ngang maririnig na tinig sa kanya. Isang tango lang ang pahiwatig niya sa pagluhog ng binatang mahal na rin niya. At ang totoo pa nga raw, kapag ang isang babae ay sumagot ng ganito: “Oo, mahal din kita. Mahal na mahal din kita”, mukhang sanay na raw sumagot ng gayon ang dalaga sa marami na niyang naging kasuyo.
Kapag daw magkasintahan na, ang salita nang salita ay hindi ay si Babae. Si Lalake, ang siyang matamang nakikinig na lang.. Naalala ko nga ‘yong madalas na tagpong nakikita ko sa sasakyan na kung saan madalas akong may nakakasakay na magkasintahang mga estudyante sa kolehiyo. Sa loob ng isang oras na biyahe, ang laging salita nang salita at kuwento nang kuwento ng kung anu-ano na lang ay si Babae. Si Lalake ay nakikinig lang nang nakikinig. Kung magsalita man siya, tipid na tipid lang.
Heto ang masarap. Kapag kasal na raw ang dating magkasintahan, sabay na sila kung sila’y magsalita at ang nakikinig ay ang mga kapit-bahay.
Kung minsan pa nga raw, malalakas ang kanilang tinig at may kasama pang “sound effects” ng nababasag na mga plato.
Ano kaya ang sinasabi ng mga kapit-bahay nila sa gayong sabayang tinig?
Kamakailan, narinig ng sambayan ang tinig ng mga mahal na senador at mga kongresista habang ginigisa nila sa mga pagtatanong si “Joc-Joc” Bolante tungkol sa umano’y P728 million “fertilizer scam”. Narinig din ng sambayan ang tinig ni Bolante bilang pagpapaliwanag kung saan nanggaling, paano ipinamudmod ang pondo, at pagsasabing ang mga tumanggap ng pondo ay ginamit nila ito sa pagbili ng liquid fertilizer at iba pang mga bagay tulad ng puno ng mangga, traktora, bomba sa patubig at iba pa.
May nanggagalaiting tinig, may nabubuwisit na tinig na narinig ng sambayang Pilipino sa pamamagitan ng radio at telebisyon. Maghapon pa nga yatang iyong imbestigasyon, kuno, na iyon ay siya na lamang ipinarinig ng maraming istasyon ng radio sa buong maghapon. Si Bolante ay kalmante at sinagot niya ang mga tanong ng sa pagtitiyak niya ay siya ngang nangyari.
Pero, narinig nga sa mga senador at kongresista ang mga tinig na nanggalaiti, at iyon iba pa nga ay nagagalit at mukhang inis na inis at tila nang-iinsulto pa. Ang nahiwatigan ko, kaya sila ganoon ay hindi nila narinig kay Bolante ang dapat nilang marinig. Una, gusto nilang marinig na ang may kagagawan ng pamumudmod ng pondo ay ang Malakanyang, o si Presidente Macapagal-Arroyo.
Pangalawa, gusto rin nilang marinig na si Bolante at ang umano’y mga kasabuwat niyang mga dealer ng liquid fertilizer ang siyang nakinabang ng husto sa nasabing pondo.
Pangatlo, na ginawa lang ang umano’y pagtulong sa mga magsasaka nguni’t ang totoo’y ginamit lang ang pondo sa pangangampanya sa eleksiyon ng Pangulo. At tila ang gusto pa rin yata nilang marinig ay ang nagkakasalungatang pahayag ni Bolante at makita nila si Bolante na pinapawisan ng husto, nanlalata at bumabagsak dahil sa hindi makayanan ang “init” ng imbestigasyon.
Ala, e, tila wala namang nangyari sa imbestigasyon. Ang dami-daming tinig na narinig, pero hanggang doon lang yata iyon.
Baka kamala-mala mo niyan, maisipan pa ni Bolante na tumakbo bilang senador sa susunod na halalan. Baka hindi ninyo alam, maraming naging tagahanga si Bolante dahil sa kanyang “katatagan” at pagiging kalmadong-kalmado.
Madalas din akong nakakarinig ng ganitong mga tinig: “E, ayaw na niya sa akin. E di ako na lang ang magpapalaki sa aming anak.” Ganito namang tinig ng nagbabalita: “Iniwan na ni Star na ganito si ganitong Actress. Sabi naman ni Actress, talaga raw ganoon. Ano kaya, sagutin na kaya ni Actress ang matagal na ring may gusto sa kanyang ibang Actor”?
Mayroon din akong narinig na ganito ang sinabi ng isang contestant: “Iyon po ang anak ko”, sabi niya. Tanong ng host: “Nasaan ang Tatay niya?” Sagot ng contestant: “Hindi ko na po alam kung nasaan na siya ngayon.” Tanong pa ng host: “Ano ang nangyari?” Sagot ng contestant: “Isa po siyang foreigner. Niligawan po niya ako. Nag-on kami ng ilang buwan. Pero, umalis na po siya nang ako’y nagdadalang-tao pa lang.
Pero hindi ko na po alam kung saang lupalop na siya ngayon. Aalagaan ko na lang po at palalakihin ang souvenir niya sa akin.”
Mahabaging langit. Kung noong araw nangyari iyon, hindi na lilitaw sa lipunan si babae at mata lang niya ang walang latay sa ama. At iyong mga actor at mga actress, bakit tila may ipinakikita silang ibang moral values na ibang-ibang kaysa noong nagdaang panahon?
Sala-salabat ang tinig sa ating lipunan. “Bakit hindi pa ibaba pa ng husto ang gasolina at krudo. Bagsaka naman na ng husto ang presyo ng langis sa ibang bansa?” “Ang mabuti sa ating bayan ay magdaos na ng Cha-cha.” “Ayan, maiaayos na naman an gaming kalsada, malapit na naman kasi ang eleksiyon.” “Hayan, nanghuhuli na naman sila ng mga driver ng sasakyan. Siguro, wala na naman silang pangkape at pang-good time.”
“Malungkot ang darating na Pasko.Masyado kasing mahirap ang buhay.” “Si city engineer, tingnan ninyo, tatlu-talo ang bagong sasakyan. At iyon daw bahay niya, centralized ang air-conditioning unit.” At maraming iba’t iban pang tinig. Nakaririndi, nakakabuwisit ang iba. Ang iba naman ay nakapagpapatawa at mabuti naman dahil ang sabi nga ay “tawanan mo na lang ang lumbay, tataba ka pa.”
Sabi noong pari, bago siya bumago ng paksa sa tinalakay niyang paksang ukol sa tinig, “May matatamis ngang tinig tayong napakikinggan at sa kalaunan ay nagiging nakakabuwisit na tinig. Marami ring nakaiinis na tinig. Pero sa lahat ng panahon, ang tinig ng Panginoon ang siya nating dapat laging pakinggan. At nandiriyan iyan, sa ating puso.”
Siguro, ang dapat nating sabihing lahat sa panahong ito sa sinabing iyon ng pari ay “Amen”.