LUNGSOD NG MALOLOS — Arestado ang isang newspaper vendor na nagtago ng mahigit dalawang taon matapos ireklamo ng panghahalay sa isang 12-anyos na babae.
Nakilala ang suspek na si Paul Allen Dela Cruz, 21,residente ng Barangay Sto. Rosario sa lungsod na ito habang itinago ang biktima sa pangalang “Marie.”
Ayon kay Malolos chief of police Lt. Col Jacqueline Puapo, ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Bulacan RTC Branch 85 dahil sa kasong two counts of statutory rape.
Aniya, matagal na nagtago si Dela Cruz hanggang sa matiyempuhan nila ito at agad na inaresto sa mismong bahay ng suspek.
Ayon sa reklamo, dalawang beses na ginahasa ng suspek ang biktima at nag-umpisa ito noong 10–taon–gulang pa lamang ang bata.
Samantala, aminado naman ang suspek sa insidente at dinipensa na parehas nilang kagustuhan ang nangyari dahil mismong ang biktima pa ang nagpupunta sa kanilang bahay.
Nakakulong ngayon ang suspek sa Malolos City Police Station.