BOCAUE, Bulacan — Manipis na sa ngayon ang mga imbak na bigas sa Golden City Business Park at Intercity Industrial Estate dahil sa madalang na supply ng palay.
Ayon sa rice miller na si Malou Tolentino, manipis ang bigas ngayon sa domestic market kaya’t mabilis din agad na nauubos ang kanilang giniling na palay. Hindi aniya tulad dati na marami pa ang natitira kapag gumiling sila ng palay at hindi agad-agad nauubos.
Dahil dito ay umimporta na daw sila ng bigas na inaasahan na darating sa kalagitnaan ng Agosto. Kailangan na nila kasi aniyang um-import nito dahil baka kapusin sila ng bigas kapag hindi pa sila iimporta.
Nasa dalawang million na kaban ng imported rice aniya ang inaasahan nilang darating ngayong buwan na tantya nila ay tatagal lang din ng dalawang linggo para maubos.
Sa ngayon naman aniya ay stable pa ang kanilang mga bigas at dahil panahon pa ng lean months kaya’t manipis ang dating ng palay.
Aniya, pumalo na sa P33 ang kada kilo ng ibinabagsak na palay ngayon sa Golden City Business Park at Intercity Industrial Estate at nagsimula itong tumaas nitong nakaraang linggo.
Kaya’t papatak naman sa P2,600 ang kada kaban ng bigas sa Golden City at Intercity at papatak naman ito ng P2,700 hanggang P2,800 kada kaban pagdating na sa palengke.
Aniya, nasa 30-taon na siya sa pagnenegosyo ng bigas ngunit ngayon lang niya naranasan na pumalo ito sa P33 kada kilo ng palay.
Umaasa naman si Tolentino na hanggang sa buwan ng Setyembre ay magiging normal na ang supply ng palay dahil inaasahan na marami na ang aaning mga magsasaka sa susunod na buwan.