Text tungkol sa kulto hindi totoo pero kinatatakutan

    686
    0
    SHARE
    DINALUPIHAN, Bataan – Nagdulot ng takot sa ilang mga magulang sa Bataan ang mabilis na kumakalat na text messages na may gumagalang kulto at natatagpuang mga batang inalisan ng lamang-loob subalit ito’y mariing pinabulaanan ng pulisya, media at mismong  pangulo ng Bataan Mayors’ League.

    Sinabi ng mga magulang na usap-usapan ang tungkol sa kulto kaya hindi na nila pinalalabas sa gabi ang kanilang mga anak.

    Sinabi pa ng ilang ina na may nakita diumanong mga lalaking naka-itim na bonnet na nakasakay sa puting van na walang plaka na dumadampot ng mga bata.

    Subalit sila mismo umano ay hindi na nila malaman kung paniniwalaan ang mga bali-balita o hindi.

    “Kaya lang natatakot na rin kami kaya hindi na namin pinalalabas sa gabi ang mga bata,” sabi nina Telek Bugay at Nita Evora ng Samal, Bataan.

    “Walang katotohanan ang mga nilalaman ng text matapos ang masusi naming verification,” sabi nina SPO3 Alberto Manabat, Orani police investigator at Insp. Reynaldo Manganti, Samal deputy police chief.

    Ipinakita pa nila ang mga police blotters na walang ganoong mga report. Pero ganoon pa man, basta umano makatanggap sila ng tawag kahit mula sa anonymous callers ay agad silang nag-veverify. “Pero, negative talaga,” sabi ng dalawang opisyal ng pulisya.

    “Kung sino man ang gumawa ng text na ‘yon, kumikita lang mga network doon,” sabi sa text ni Senior Supt. Arnold Gunnacao, Bataan police director, na nagkataong out of town.

    Pati mga local reporters ay binubuliglig ng maraming tanong kung totoo ba na may mga bata ngang natagpuang walang mga lamang-loob.

    “Nag-verify kami, walang katotohanan,” sabi ni Raffy Viray, pangulo ng Bataan Press Club. “Kung may pangyayaring ganoon dapat come forward and report to the police ang mga magulang pero panay text lamang,” sabi naman ni Greg Refraccion, chairman ng Bataan Press Club Multi-purpose Cooperative.

    Ayon kay Mike Cigaral, local reporter, siya mismo ay nakatanggap ng text na may tatlong batang natagpuang walang lamang-loob at under autopsy na ng isang punerarya. Pero, hindi ito totoo, aniya.

    Ganito rin ang sabi ni Atoy Galicia, local publisher. “Matagal na mga text na ganyan pero walang katotohanan, sabi ng apat niyang reporter.

    Sinabi naman ni Dinalupihan Mayor Joel Payumo, Pangulo ng Bataan Mayors’ League na mabilis na kumalat ang text na may kulto at hindi nagtagal ay may nakita ng mga batang walang-lamang-loob. Sa unang mga text ay pangalan pa ng mayor ang nakalagay na nagbibigay ng babala.

    Pinabulaanan ito ni Mayor Payumo at sinabing text scam lamang ito. Ganoon pa man, aniya, ay kinausap na rin niya ang mga school authorities at inactivate ang Barangay Peace-keeping Action Team (BPATs) para mabantayan ang mga bata.

    Secretary-General ng League of Municipalities of the Philippines ang Dinalupihan mayor.

    Aniya, sa pag-uusap nila ng mga kapwa mayors sa summit noong isang araw ay napag-usapan din ang tungkol sa text messages. Sa Abucay, Bataan daw ay may balitang lumabas na may isang batang natagpuang patay na walang lamang-loob. Nang mag-verify umano ang mga pulis, napag-alamang hindi ito totoo.

    Bago lumabas ang text na tatama sa Pilipinas ang radiation ng nuclear power plant sa Fukusima ay ilang araw nang kumakalat ang text message.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here