BOCAUE, Bulacan — Inihahanda na ng lokal na pamahalaan ang testing center para sa gagawing massive testing ng Covid-19.
Ayon kay Rodante Galvez, ang MDRRMO officer ng Bocaue, ang Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital-Bocaue Extension building na para sa mga trauma patients ay iko-convert bilang corona virus testing center.
Bukod sa pagiging testing center nito ang ikalawang palapag ng gusali na may 50-bed capacity ay gagamitin na rin para sa mga persons under investigation.
Ang bawat kwarto ng gusali ay may nakalaan na dalawang kama para sa pasyente at may sarili din itong banyo.
Wala naman daw dapat na ipangamba ang mga residente dahil naka-isolate ang gusali at malayo sa mga kabahayan at may mabilis na access sa superhighway.
Layunin ng pagkakaroon ng sariling testing center dito para mapabilis ang mga gagawing pagsusuri at pagtutukoy sa mga posibleng magpositibo sa Covid-19.
Paliwanag ni Galvez, nakabili na ang pamahalaang bayan ng mga testing kits para sa kanilang gagawing massive testing at idederecho na ito sa RITM.
Tanging mga PUI lamang ang isasalang sa testing at sa pagkakataong may nais na sumalang sa testing ay dadaan muna ito sa masusing assessment upang matukoy kung kailangan na ito na sumalang sa testing.
Sa ngayon ay nakapagtala na ang Bocaue ng limang pasyente na nagpositibo sa Covid-19 at sa kasalukuyan ay nagpapakita naman ang mga ito ng pagbuti ng kalagayan.
Sa pinakahuling ulat ng Municipal Health Office ay nasa 20 naman ang PUI at 28 na PUM.