LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Sisimulan na ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pagsasanay para sa kailangang 10,000 trabahador ng itatayong Meralco Terra o MTerra Solar Project sa Nueva Ecija.
Ayon kay TESDA Provincial Director Alvin Yturralde, nasa 120 trabahador ang bubuo sa unang batch na sasailalim sa pagsasanay para sa photovoltaic systems installation at heavy equipment operation.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng screening ang mga lokal na pamahalaan ng Peñaranda, General Tinio at Gapan sa mga interesadong magtrabaho sa naturang proyekto.
Partikular ang mga may kasanayan na o handang matuto ng welding, carpentry, masonry, heavy equipment operation, electrical installation and maintenance, driving at iba pa.

Ang TESDA ang mangunguna sa mga idaraos na mga pagtuturo, mula sa paggawa ng training plan hanggang paghahanap ng mga eksperto sa mga larangan na dapat matutunan ng mga trabahador.
Samantala, ang MTerra ang mamamahala sa pagtukoy ng mga tatanggapin nilang trabahador na dadaan sa mga kurso ng ahensiya at mangangasiwa sa mga kakailanganing suplay, kagamitan, at lugar ng pagsasanay.
Ang mga makakapagtapos sa mga ibibigay na kurso ng TESDA ay makakatanggap ng national certificate.
Pahayag pa ni Yturralde, maaari rin mag-aplay ang mga dati nang iskolar ng ahensiya na nakapagtapos ng mga nabanggit na kurso.
Sila aniya ay dadaan na lamang sa special program na pagtuturo para maipaalala ang skills at competencies na kanilang natutunan sa mga dating pag-aaral.
Matatandaan na Nobyembre noong nakaraang taon ay personal na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang groundbreaking ceremony para sa naturang proyekto na kapag operational na ay maituturing na pinakamalaking solar power facility with battery sa buong mundo na may lawak na 3,500 ektarya. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)