Tepok na, kung nakamamatay ang pagmumura

    451
    0
    SHARE
    Kung nakakamatay itong pagmumura:
    Na ‘anak ng puto’ at ‘puto ng ina’
    Na ibinabato kay Lito Atienza
    At kay Tolentino ng galit na Masa,

    Tuwing may akasya silang madaanan
    Na itinutumba sa tabi ng daan
    Ng McArrthur Hiway sa gawing Sindalan
    Nitong nakaraan mga ilang araw,

    Ay baka sa oras na ito’y dedbol na
    O nasa (impyerno?) na ang kaluluwa,
    Ng mga naturang alagad ni Gloria
    Sa tindi ng mga panalangin nila;

    Kung saan ang iba’y di pa makuntento
    Sa kamumura riyan ng ‘anak ng puto,’
    Ay idinadasal pa rin n’yan siguro
    Na sana ay madaganan yan pareho;

    Ng mga akasyang pinuputol nila
    Upang mapagtanto ni Lito Atienza
    At nitong Direktor dito sa Pampanga
    Ng DPWH na kasuwato niya;

    Sa pagpapairal ng ‘massive tree cutting,’
    Itong hinagpis d’yan ng nakararaming
    Nanghihinayang sa ginawang pagkitil
    Sa mga punong yan ng ‘anak ng teting’!

    At di lamang residente ng Pampanga,
    Ang nagsabing bakit kailangang gawin pa
    Itong ‘widening’ ng nasabing kalsada
    Samantalang itong NLEX nariyan na.

    (Na dapat ay di na isina-pribado
    Ng pamahalaan ang pagpapatakbo;
    Kung saan ang toll fee’y sumirit ng husto
    Kaya’t ang naisip na alternatibo

    Ay ipagawa ni Pangulong Arroyo
    Ang daang yan para sa can’t afford kuno?,
    Di baleng ‘health’ natin itong mamiligro
    Sa pagkawala ng protector na ito;

    Laban sa maruming hanging binubuga
    Ng mga sasakyan at ka’lintulad na
    Makinarya nitong maraming pabrika
    Na matinding usok din ang dulot nila

    At siyang sinasala ng mga punong yan
    Upang itong carbon dioxide na taglay
    Ay ma-transform into oxygen, at siyang
    Malanghap natin ng ligtas habang buhay!)

    Pero nang dahil ba sa yan ay  kalangkap
    Ng pagsulong o progreso nitong lahat
    Ay basta na lamang tayo di titinag
    Kahit buhay natin ang mawala’t sukat?

    Sa patuloy na pagwawalang bahala
    Natin sa bagay na posibleng mawala,
    Gaya na lang nitong pagpatay ng kusa
    Sa kalikasan na mahalagang lubha!

    Hihintayin pa ba nating maging huli
    Na ang lahat bago natin yan isisi
    Sa ibang tao o sa ating sarili,
    Ang di pagkilos sa posibleng mangyari?


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here