Tayo nga ba ay ganap ng malaya?

    334
    0
    SHARE
    Nitong adose ng buwan nitong Hunyo,
    ipinagdiwang ng liping Filipino
    ang ‘Independence Day’ (na aywan kung ito
    ay nakamit na nga natin kabayan ko).

    Sa dahilang tayo ay di pa rin ganap
    na nakawala sa kukong matatalas
    ng mga dayuhang sa lahat ng oras
    ang para bang nasa likuran ng lahat.

    At kung saan tama’t tayo’y may sariling
    mga pinuno na pawang magagaling,
    pero nagagawa silang paikutin
    ng tusong dayuhang kaya silang bilhin.

    Partikular na r’yan ng mga may hawak
    nitong malalaking Mall sa Filipinas,
    At Intsik ang halos may-ari sa lahat
    ng negosyong patok at mga pang-‘big shot’

    Anumang hingin n’yan sa nasa Palasyo
    di makapapalag ang kahit na sino,
    lalo’t milyones ang itinulong nito
    sa kandidatura ng naging Pangulo.

    At kung itong nabiyayaan ng tulong
    para may magamit nang ito’y humabol
    ay nanalo sa kung anong inambisyon
    na ‘maging’ ay tiyak ‘sisingilin’ ngayon

    Ni Seng Hua o ng sinumang indibidual
    na ‘nabili’ nitong panig ng kapital;
    kaya natural lang ang puno’t dulo niyan,
    di na masita si Seng Hua ng binigyan.

    Diyan pumapasok ang isyung ika nga
    ang tayo ay di pa ganap na malaya
    sa kamay ng mga mapagsamantala,
    ng dahil sa lider nating masisiba.

    Na ayaw bumitaw sa pagka-alipin
    ng mga dayuhang palalo at sakim,
    na palaging nasa likuran ng tabing
    at bumubulong kung anong dapat gawin

    Nitong nasa poder na sunud-sunuran
    sa kung anong gustong ipagawa ni Sam,
    ni Seng Hua, ni Ali, at nitong iba pang
    idinidikta ang nasa Malakanyang.

    Kaya sa puntong yan na nang dahil na rin
    sa ‘utang na loob’ nitong iba nating
    mga ‘lingkod-bayan’ kaya nangyayaring
    tayo’y di makalag sa pagka-gupiling

    At hanggang ngayon ay di pa rin nga ganap
    ang paglayang laon nating pinangarap;
    ya’y nang dahil na rin sa maraming ungas
    na nasa gobyerno, na panay ang sikwat?!

    Sa pamamagitan ng pagkakaisa
    ng lahat marahil ay maka-aasa
    na tayo kabayan, na mababago pa
    ang takbo ng ubod duming pulitika.

    Na kaya di tayo ganap makawala
    sa pagka-alipin sa sariling bansa
    ay nang dahil sa lider na masisiba,
    (ay ano pa nga ba sa ating akala?)

    Mula ngayon ating bantayang mabuti
    ang ating paligid… at hangga’t maari,
    ang lahat na upang makamtan na pati
    ang tunay na Laya at Pagsasarili!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here