SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Sugatan ang ama ng isang artista ng GMA 7 samantalang namatay kaagad ang dalawang tauhan nito matapos pagbabarilin ng apat na lalaki na nagtangkang magnakaw sa kanyang bahay sa Barangay Cama Juan sa bayang ito kamakalawa ng gabi.
Ginagamot ngayon sa isang ospital sa Cabanatuan City si Godofredo Angeles, Jr.,47, negosyante at ama ni Janna Dominguez, mainstay cast ng programang “Pepito Manaloto” ng Kapuso network, dahil sa tama ng bala sa kanyang kanang hita.
Ang mga nasawi ay nakilalang sina Feliciano Sumand,38, residente ng naturang barangay at Peter Beronoes,48, ng Caloocan City. Kapwa sila namamasukan bilang helper ng mga Angeles.
Ayon kay Chief Insp. Marcelino Veneracion, hepe ng San Antonio police station, naghahapunan ang mga biktima nang biglang dumating ang apat na suspek pasado alas-8 ng gabi nitong Lunes.
Nakilala ni April Angeles, maybahay ni Godolfredo ang isa sa mga suspek na si Alberto Gorvova, 38, kaya nakapagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis na nagresulta sa pagka-aresto nito.
Si Cordova ay inuupahan ni Angeles upang magpinta ng kanilang kagamitan sa bahay.
Sa imbestigasyon ng pulisya ay inamin ni Cordova ang krimen at pagnanakaw umano ang kanilang motibo subalit nagkabiglaan nang madatnang magkakasama ang mga biktima, ayon kay Veneracion.
Bumagsak na rin sa kamay ng batas ang isa pang suspek na nakilalang si Robin Santiago,34, resident eng kalapit barangay na Sta. Barbara subalit nanatiling at large ang dalawa pang kasama umano nila na sina Montano dela Cruz, at alyas Teng Teng Lising.
Sinampahan na ng kasong double murder at frustrated murder ang mga suspek, ani Veneracion.