Tapunan na lang ba tayo ng basura?

    362
    0
    SHARE
    KUNG NOON ay naging ika nga’y tambakan
    itong Pilipinas ng lumang sasakyan
    na galing sa bansang katulad ng Japan,
    d’yan kahit papano ay may pakinabang

    Sapagkat kumpara sa ‘brand new,’ di hamak
    na mura ang kotse’t mga right hand drive truck;
    Pero ngayon ang sa atin itinambak,
    (Na galing Canada), kakaiba sa lahat

    Na idineklara – as imported shipment
    at naglalaman ng umano’y assorted
    plastic scrap
    pero nang ito’y ma-inspect
    Ng BoC, DENR, ya’y pawang unwanted

    Na materials ang laman ng containers vans
    na kinalalagyan ng basurang iyan;
    (Kung kaya natengga nang mataga-tagal
    sa Custom nang di man lamang nabawasan?)

    Gayong tatlong taon itong naka-imbak
    sa pier bago yata ‘tinapon sa Tarlac;
    (Di gaya ng ibang ‘imported materials,’
    na napakadaling sa Custom masikwat!)

    Subalit sanhi nga ng kadahilanang
    walang nag-claim hanggang sa inuod na yan,
    Ay itinapon na sa ating bakuran
    Nang di maibalik sa pinanggalingan.

    Ano’t tikom lang ang bibig ng Pangulo
    sa tila direkta ng pang-iinsulto
    nitong Canada sa mga Pilipino
    sa ginawa nila sa panahong ito

    Na hayan, kahit na halos tapakan na
    tayo riyan ng iba ( tulad nitong Tsina)
    Ay tila kampante lang din sa tuwina
    ang mga marapat kumilos kumbaga?

    Lulunukin na lang ba natin kabayan
    ang ginagawa sa atin ng mga yan,
    Na kahit mali ay todo pasa lamang
    sa nakararaming bulok na opisyal?

    Ano sa palagay n’yan sa Pilipinas?
    tapunan na lang ng basura at lahat?
    Komo sa akala nila’y walang lakas
    itong ating bansa gagawin at sukat

    Ang bawat naisin ng mga yan dito
    sanhi lamang nitong akala siguro
    ng Tsina’t Canada madaling maloko
    ang lahat-lahat ng mga Pilipino?

    Gabundok nga riyan ang ating basura,
    na sa araw-araw ay di makolekta,
    Ay itatapon pa rito ng Canada
    ang ‘toxic waste’ nila, pang-aabuso na!

    At pang-aargabya ng maituturing
    kung paulit-ulit pa nilang gagawin;
    Kung kaya sa puntong ya’y makabubuting
    ang bansang Canada’y dapat pagmultahin.

    Sapagkat ang pagka-tengga ng matagal
    sa pier ng limampung mga ‘container vans,’
    Ay millions of pesos din ang halaga niyan
    na kinakailangang sa atin bayaran.

    Maliban sa pagka-tapon n’yan sa Tarlac
    na may kaukulan ding singil o bayad,
    ang pagkatapon ng basurang di hamak
    na hazardous compared with our waste products.

    At upang sila ay hindi pamarisan
    ng ibang wala na ring mapagtapunan,
    Lahat ng possible means para atasan
    silang magbayad ng danyos, ipairal!!!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here