BALIUAG, Bulacan—Nagsilbing halimbawa ng mabubuting Samaritano ang mga guwardiya ng SM City malls sa Baliuag at Marilao nang kanilang isauli ang napulot na mahigit P80,000 na salapi at tseke sa magkahiwalay na insidente.
Ang insidente ay naganap noong Biyernes at Sabado, Enero 13 at 14.
Dahil sa kanilang katapatan, nakatakdang handugan ng komendasyon si Edralin Alagano ng Knight Hawk Security Force na nakatalaga sa SM City Baliuag at sina Melvin Jamandre at Alfie Francisco ng SM City Marilao.
Ayon kay Beverly Bernardo-Cruz, public relations officer ng SM City Baliuag, kahanga-hanga ang katapatan ng tatlong guwardiya.
Ito ay dahil sa kabila ng kagipitan sa buhay ay hindi naghangad ang mga ito na masarili ang salaping napulot, at sa halip ay isinauli sa may-ari.
Ayon kay Alagano, nakita niya sa parking lot ng SM City Baliuag ang isang pushcart at nang kanya itong lapitan ay nakita ang isang pouch bag.
Agad niya itong dinala sa Customer Relations Service Office at doon natuklasan na naglalaman iyon ng P47,650 cash at tseke.
Lubos namang ikinagalak ni Manolito San Jose ang ginawa ni Alagano dahil nabalik sa kanya ang naiwang pouch bag at pera.
Sa maikling panayam, sinabi ni Alagano na mas mabuti na ang magbigay sa kapwa kaysa sa siya tumanggap.
Binigyang diin niya na hindi niya pag-iineteresan ang hindi niya pag-aari lalo na kung ganoon kalaking halaga ng pera.
Si Alagano ay nakatakdang bigyan ng komendasyon ng pamunuan ng SM City Baliuag.
Gayundin ang ipagkakaloob kina Jamandre at Francisco ng SM City Marilao na nakakita ng La Tour Eiffel Paris leather purse sa parking lot din ng kanilang mall.
Ang nasabing bag ay may lamang pera at tseke na nagkakahalaga ng halos P30,000 na pag-aari naman ng isang nagngangalang Priscilla Enriquez ng Barangay Sulucan sa Bocaue, Bulacan.
Agad na naibalik kay Enriquez ang kanyang ari-arian.
Matatandaan na noong nakaraang taon, binigyan din ng komendasyoin ng SM City Baliuag ang comfort room attendant na si Verna Sta. Quirante matapos mapulot ang perang nagkakahalaga ng P25,000 noong buwan ng Mayo.
Noong Abril 2009, ang guwardyang si Trinidad Quintana naman ang binigyan ng komendasyon matapos isauli ang bag na naiwan ng isang mall-goer a SM City Baliuag.
Ang nasabing bag ay naglalaman ng P2.5 million cash at mga tseke.
Ni Rommel Ramos at Dino Balabo