TANONG NI ALVARADO:
    ‘Saan napunta ang pera para sa ospital?’

    322
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS—Nagturuan ang mga opisyal ng Bulacan hinggil sa diumano’y anomalya sa pondo ng panlalawigang pagamutan na umaabot sa P80-milyon.

    Ang kalagayang ito ay nagsimula ng ilahad ni Gob. Wilhelmino Alvarado noong Huwebes, Hulyo 15 sa kanyang State of the Province Address (SOPA) kung “saan napunta ang pera at saan napunta ang biniling mga hospital equipment?”

    Ayon kay dating Provincial Administrator Perlita Mendoza, imposibleng mawala ang nasabing pera at mga kagamitan sa mga ospital sa Bulacan dahil iyon ay ininspeksyon pa ng Commission on Audit (COA), at tinanggap ng mga hepe ng ospital.

    “Paano magiging missing e nainspect pa yun ng COA at inaccept ng chief of hospitals,” ani Mendoza na ngayon ay nagsisilbing hepe ng City Information Office (CIO) ng Malolos.

    Nilinaw din niya na mayroong memorandum receipt (MR) ang mga nasabing kagamitan sa tanggapan ng General Services Office (GSO) ng kapitolyo.

    Sa panig naman ni Dr. Joy Gomez, ang provincial public health officer ng Bulacan, sinabi niya na ang maaaring magbigay linaw sa nasabing usapin ay ang mga hepe ng mga pampublikong ospital sa Bulacan.

    Sinabi ni Gomez na bilang opisyal ng panlalawigang tanggapan para sa kalusugan, ang kanyang responsibilidad ay nakatukoy lamang sa programang pangkalusugan at hindi sa operasyon ng mga pagamutan.

    Hindi naman tumugon sa nasabing usapin matapos padalhan ng Punto Central Luzon ng text message si dating Gob. Joselito Mendoza na ngayon ay kongresista ng ikatlong distrito ng Bulacan.

    Una rito, ibinulgar ni Gob. Alvarado sa kanyang SOPA noong Huwebes na hanggang sa kasalukuyan ay hinahanap pa nila ang mga modernong kagamitan sa ospital ng Bulacan na pinagkagastusan ng mahigit P100-milyon na inutang sa Land Bank of the Philippines (LBP).

    Ang SOPA ni Alvarado ay kanyang inilahad sa ika-7 pasinayang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan.

    Sa kanyang SOPA, sinabi ng ika-31 gobernador ng Bulacan na sa ika-anim na Sanggunian ay pinagtibay ng mga kaalayado ni Mendoza na bumubuo sa mayorya ang panukalang pangungutang ng mahigit P100-milyon sa LBP upang ipambili ng modernong kagamitan para sa Bulacan Medical Center (BMC) at Provincial Hospital sa panahon ng panunungkulan ni dating Gob. Mendoza.

    Ngunit ayon kay Alvarado, “matapos makapag-release ng mahigit P80-milyon ang Land Bank sa kapitolyo, wala pa ring magamit ang mga pasyente ng ipinangakong makabagong kagamitan.”

    Kaugnay nito, sinabi ng gobernador na patuloy ang kanilang pagsisiyasat sa hinihinalang anomalya sa ospital ng Bulacan.

    Hinggil naman sa serbisyong pangkalusugan ng lalawigan, sinabi niya na patuloy ang pagtanggap nila ng aplikasyon na ngayon ay pinoproseso para sa karagdagang nurse at mga medical personel sa BMC.

    Sinabi ni Alvarado na kailangan nila ng dagdag na nurse upang mapaliit ang malaking kakulangan sa pamantayang isang nurse para sa 20,000 mamamayan.

    Iginiit pa niya na magdadagdag din sila ng bilang ng mga duktor at mga laboratory technicians sa mga pampublikong pagamutan sa lalawigan upang kahit sa gabi ay matugunan ang mga kaso ng emergency cases na isinusugod sa pagamutan.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here