Ang oil tanker sa dinumog na bahay. Kuha ni Ernie Esconde
MARIVELES, Bataan — Tatlo ang patay habang anim ang sugatan matapos suyurin ng rumaragasang mini oil tanker ang dalawang tricycle at pagkatapos ay tila lumipad ito papunta sa dinumog na bahay sa isang barangay dito Martes ng umaga.
Kinilala ni Baseco barangay chair Leonida Valderama ang mga nasawi na sina Renne Lansangan, 56 at Retchen Rana Atencio, 31, kapwa pasahero ng isang tricycle at taga Sitio Palao sa Baseco; at Eduardo Santos, Jr., 46, ng Barangay Maligaya at driver ng ikalawang tricycle.
Agad namatay sina Lansangan at Santos samantalang si Atencio ay pumanaw habang ginagamot sa Maheseco Hospital sa Mariveles hapon ng Martes.
Kinumpirma ng Mariveles police ang tatlong nasawi sa aksidente.
Kabilang sa mga sugatan na isinugod sa ospital sa Mariveles ang oil tanker driver na si Joel Bonzato, 46, ng Limay; vendor Debina Jallorina, 44; Adriane Jallorina, 6; house tenant Belano, 32; tricycle driver Cesar Villanueva, at isa pang residente.
Sinabi ni Minandro Udasco na nakatalikod siya sa kalsada nang makarinig siya ng malakas na lagabog at nakita niya ang mabilis na oil tanker at mga tumilapong tao mula sa dalawang tricycle habang nagtatakbuhan ang mga tao.
Ayon kay Valderama, nakarinig siya ng malakas na impact at naisip niya na may aksidente na naman sa accident-prone area sa lugar nila at nang lumapit nga siya ay nakita niya ang mga patay at sugatan.
“Parang lumipad ang mini tanker dahil may malaking road barrier doon at nakita na lamang namin ang sasakyan sa ibaba,” sabi ng kapitana.
Ikinuwento raw ng mga tricycle driver na nadaanan na mabilis talaga ang tanker malayo pa lang sa pinangyarihan ng aksidente.
Nawalan diumano ng preno ang oil tanker.
Nagpaalala si Valderama sa mga motorista na dagdagan ang pag-iingat upang maiwasan ang mga aksidente lalo na sa lugar na iyon na accident-prone area.
Batay sa ulat ng pulisya, tumatakbo ang mga sasakyang sangkot sa sakuna sa iisang direksiyon papunta sa gawi ng kabayanan ng Mariveles nang banggain ng oil tanker na kargado ng krudo ang dalawang tricycle.
Pagkatapos masuyod ang mga tricycle, bumangga naman ang tanker sa isang bahay.
Sinabi ng pulisya na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.