SAMAL, Bataan: Nakakaramdam na ang mga magsasaka sa bayang ito ng epekto ng El Nino sa kanilang lupang sakahan tulad sa Sitio Parang sa Barangay Ibaba na dumaraing ngayong Lunes habang nagpapaandar ng kanilang water pump na gamit sa pagpapatubig ng kanilang palayan.
Sinabi ni Rene Bugay, 61, ng Sitio Parang, na madaling matuyo ang lupa at tumagal ang oras ng pagpapaandar upang mapatubigan ang kanilang palayan.
“Malaki ang ipinagbago ngayon kasi yung dating patubig na 24 oras sa isang ektarya, ngayon umaabot na ng 36 oras. Hindi na ma-maintain ang talagang regular na patubig na ang resulta ay nagiging tuyuanin ang lupa, ” sabi ng magsasaka na ang ibig sabihin, aniya, kapapatubig pa lang natutuyo na agad.
Napipilitan daw magtipid ang magsasaka. “Kung tutuusin, every four days sana papatubigan ang palayan pero nagiging once a week na lang dahil lalaki ang konsumo tulad ko na diesel ang gamit kasama ang langis so maraming maintenance at siyempre malaki ang gastos.”
Karamihan ng magsasaka sa Bataan lalo na sa Samal ay gumagamit ng diesel o kuryente sa pagpapaandar ng kanilang water pump.
Nananawagan si Bugay sa pamahalaan na kung maaari ay bigyan sila ng karampatang ayuda tulad ng pagpapababa ng halaga ng diesel at huwag bayaang ibagsak ang presyo ng palay sa panahon ng anihan.
“Wala nang mapuntahan ang magsasaka na baka dumating ang araw wala nang magsaka. Isang malaking problema yan dahil ang mga anak ng magsasaka ayaw na ring magsaka dahil ang alam nila walang nangyayari na puro utang na pagdating ng pag-ani utang pa rin,” sabi ni Bugay.