LUNGSOD NG CABANATUAN – Kapwa ordinaryong mag-aaral sina Michelle Ladesma, 20, at Nicole Diamsay, 18, ng lalawigan ng Nueva Ecija.
Si Michelle ay 4TH year college na kumukuha ng kursong edukasyon sa isang pribadong pamantasan sa dito, samantalang nasa unang taon naman ng kursong development communication (DevCom) sa Central Luzon State University si Nicole.
Subali’t nitong Miyerkules, ang dalawang estudyante ay humarap sa mga lider ng iba’t ibang proresibong grupo upang palakasin ang kanilang panawagan para sa hustisya at patas na pagtrato para sa kanilang mga ina.
Ang ina ni Michelle na si Eulalia Ledesma at ina ni Nicole na si Yolanda Diamsay ay kabilang sa apat na kababaihan, dalawa sa mga ito ay estudyante, na inaresto ng sanib-puwersang Philippine Army at Criminal Investigation and Detection Group nitong ika-13 ng Oktubre.
Ayon sa Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), namamahinga sina Ladesma at Diamsay sa isang bahay sa Sitio Bangkusay, Barangay Talabutab Norte, Gen. Natividad, Nueva Ecija nang pasukin di-umano ng pitong kalalakihan na armado ng mahahabang baril.
Agad raw tinutukan at pinadapa ang mga ito. Sinabitan di-umano ng baril sa balikat si Yolanda at ipinatutok kina Eulalia at sa may-ari ng bahay at saka kinunan ng larawan.
Pinalo pa raw ng matigas na bagay sa ulo si Yolanda, kasabay ng panununtok habang nakapiring, ayon sa pahayag ng AMGL.
Halos ganito rin daw ang ginawa kina Rachel Galario at Elaine Edze Mocling na estudyante naman ng Politechnic University of the Philippines na nasa kabilang bahay nang maganap ang pag-aresto.
Ayon kay Michelle, huli niyang nakita sa selda ng CIDG sa Cabanatuan City ang kanyang ina na may bakas pa ng tinamong pananakit.
Sinabihan raw siya nito na mag-ingat dahil may banta umano na sila ay maari ring isunod.
Magkakasamang kinundena ng Alliance of Concerned Teachers, AMGL, Bagong Alyansang Makabayan, Karapatan at Anakbayan ang anila’y gawa-gawang kaso at di-umano’y pagtatanim ng ebidensiya laban sa apat na kababaihan.
Idineklara na rin nilang nawawala ang isa pang lider organisador ng Gitnang Luzon na si Joey Torres, Sr. simula noong huling linggo ng Setyembre.
Wala pang pahayag ang militar at CIDG kaugnay ng mga akusasyong ito ngunit nauna nang iniulat ng 7th Infantry Division, Philippine Army na naaresto ang apat habang nagsasagawa di-umano ng recruitment at propaganda sa Barangay Agbannawag, Rizal, Nueva Ecija.
Nasamsam daw mula sa mga kababaihan ang isang caliber 9mm submachinegun, 20 bala para dito, apat na granada, dalawang improvised explosive device, mga magasin para sa M16 rifl e, mga bala, computer at mga cellular phones.