Tanging ala-ala

    419
    0
    SHARE
    NGINIG ANG aking mga tuhod ay tinungo ko ang rostrum sa reviewing stage ng Pampanga Sports Complex.

    Lalong tumindi ang aking nerbiyos sa libu-libong taong nasa aking harapan, daan-daan naman ang nasa aking likuran na nakaupo sa grandstand ng noo’y pinakamodernong lunan ng  palakasan sa Gitnang Luzon, kundi man sa buong Pilipinas.

    Pilit na pinipigil ang panginginig ng aking mga kamay, inilabas ko ang isang pirasong papel kung saan naka-makinilya ang maiksi kong talumpati.

    Buntong hininga, at ako’y tumingin na sa mga pinagpipitagang mga nilalang na nakahilera sa aking kanan.

    Paglapat ng aking mga mata sa panauhing pandangal, lahat ng kaba ko’t nerbiyos ay napawi, kapayapaan ng kalooban ang sa aki’y naghari sa munting sandaling pagsulyap lamang sa maamong mukha, sa ngiting wari’y nagmumula sa kaibuturan ng kanyang puso. Ramdam ko, ako’y nasa banal na presensiya.

    At kalmado kong naibahagi ang aking talumpati:

    Ang ating pinakamamahal, at sa ati’y nagmamahal na pangulo ng Republika ng Pilipinas, Ginang Corazon Cojuangco-Aquino, ang mabunying arsobispo ng San Fernando, Apu Ceto; ang pinagpipitagang ama ng lalawigan Kapampangan, Bren Z. Guiao; mga namiminuno sa mga pamahalaang lokal, mga kababayan:

    Kaisang-diwa ng mamamayang Pilipino ang hanay ng mga malaya at mulat na mamamahayag ng Pampanga sa taimtim na dalangin para sa kapayapaan, lalung-lalo na sa mga pamayanang hanggang ngayo’y nananatiling naglalagablab na larangan ng labanan ng mga nagngangalit na paniniwalang taliwas sa mithiin ng bayan.

    Kaisang-puso ninyo kami sa adhikain tungo sa ganap na katahimikan upang ang nilalayon nating kaunlaran ay atin nang makamtan.

    Kaisang-bisig ninyo kami sa pagtatanggol sa ating Saligang Batas laban sa sinumang naghahangad na ibalik ang bayan sa pusikit na kadiliman.

    Hinding-hindi namin mapapayagan ang anumang lupon, hukbo o kawan na muling piringan ang mata ng panulat; na muling busalan ang bibig ng pamamahayag; na muling ibilanggo ang malayang diwa ng bawa’t mamamayang Pilipino.

    Kaisa po ninyo kami mahal naming Pangulo sa inyong layuning higit pang mapalawak ang pambansang demokrasya, at mailuklok ang bawa’t Pilipino sa tugatog ng kaunlaran.

    Kami pong mga mamamahayag ay nananalig na sa pagkakapit-bisig at pagbubuklod-diwa ng bayan, ng panguluhan at ng iba’t ibang sektor ng lipunan, kalakip ng pinag-isang pananaw na makabayan, paninindigang makatao at pamamaraang makadiyos ay atin pong makakamtan ang biyaya ng Maykapal na tanging laan sa Inang Pilipinas.

    Mabuhay ang Pilipinas. Marami pong salamat.    

    Pagkabigkas nito’y tumungo ako sa kanya. Muli, ang masuyong ngiti at sa pagdadaop ng aming mga palad, matamis na tinig ang sa mga labi niya’y namutawi: “Maraming salamat, Bong.”

    Ika-25 ng Setyembre, 1990 sa Prayer Rally for Peace and the Constitution, ang pinakatatangi kong ala-ala kay Pangulong Corazon Cojuangco-Aquino.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here