Tanggal bulok, tanggal usok

    341
    0
    SHARE

    ANG ISINUSULONG na planong pag-’phase out’
    ng LTO sa dyip na pampasaheros
    upang umano ang luma na at bulok
    ay mawala na rin pati ang mausok

    At mapalitan na r’yan ng moderno
    at/o ibang klase na bagong modelo,
    na maganda pero ang halaga nito
    ay katumbas naman ng lima siguro.

    Magara at mura lamang ang ‘maintenance’
    ng mga ganitong uri ng sasakyan
    ngunit kaya naman kayang mabayaran
    nitong ang dyip nila’y i-junk basta na lang?

    At matustusan ang pagkuha ng bago
    at ubod ng mahal na pampasahero?
    kapalit ng dyip na ang labas por kilo
    sapagkat wala nang bibili pa nito?

    Sana naman ay huwag gawing sapilitan
    ang pag-’phase’ out basta ng pamahalaan
    sa naging bahagi na ng kasaysayan
    at nitong kultura nating nakagisnan.

    Dahilan na rin sa bukod-tanging tayo
    dito sa Silangan o sa buong mundo
    ang may ‘public utility’ na ganito
    na lubhang kakaiba kahit na kanino.

    Sa Amerika ay walang maliliit
    na UV o tulad ng ating mga dyip
    na namamasada at kung saan kahit
    sa ‘remote places’ at saka malalapit

    May masasakyan ang gustong mamalengke,
    mamasyal sa ‘downtown’ at sa tabi-tabi;
    Sa State kung wala kang pambiling kotse,
    wala kang ‘choice’ kundi maglakad parati.

    Sa ninanais na mangyari at sukat
    ng LTO, di lang ang kakarag-karag
    na dyip ang tiyakang di na mailalabas
    kundi ang iba pa r’yang saklaw ng batas

    Na ipaiiral ng ating LTO
    matapos pirmahan ng ating Pangulo
    ang ‘implementing rules’ hinggil para dito
    na dapat sundin ng mga apektado.

    Kung saan marami tiyak ang aalma
    na ‘jeep operators,’ mga tsuper nila,
    lalo na r’yan itong kumbaga ay sila
    mismo ang may-ari at namamasada.

    Sa puntong ito ay wala nang hihigit
    kaysa sumunod sa anong ninanais
    ng LTO upang di tayo magipit
    sa oras bago pa ang mga nabanggit

    Na alituntunin at marapat sundin
    para di ma-’phase out’ itong luma nating
    pampasaherong dyip ay dapat ayusin
    bago sa kalsada’y ating patakbuhin.

    Hindi iyong basta umaandar ito
    ay atin pa rin nga ‘yang pinatatakbo,
    kung saan di lang buhay ng pasahero
    itong nalalagay sa grabeng peligro

    Kundi pati na rin syempre ang sarili
    nating kaligtasan ay damay din kasi;
    Kaya wala nang higit makabubuti
    kaysa sa batas tayo sumunod parati!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here