Sa dagat ng pulitika, naglipanang mga pating
Nakahandang manibasib, matatalim nilang pangil
Kung mahina kang lumangoy, ang pampang ay di abutin
Asahan di makaranas, ang magtampisaw sa tabsing.
Gaano man ang pagsagwan mo, bangka lamang iyong gamit
Maiiwan ka sa laot, mapaso sa tinding init
Lalo sa patak ng ulan, o ang panaho’y masungit
Sino kayang sasaklolo, kung tinig mo’y di marinig?
Ano ang ilalaban mo, sa gahamang mandaragat?
Sagana sa mga pain, sa mga isda’y panghikayat
At kung hindi makabingwit, ay idadaan sa dahas
Igiit ang kanyang layon, makuha lang hinahangad.
Humupa nang mga alon, payapa na ang paligid
Wala na ang pagtatagisan, pingkian ng mga isip
Isisilong munang lambat, at gamit na pang-bingwit
Nakaraang pangyayari, ituturing na panaginip.
Mayroon na nagtagumpay, at nagapi sa halalan
Kung boses ngang matatawag, ‘sang tanong sa taumbayan
‘Wag lang nabato-balani, sa pilak na kumikinang
Prinsipyong di nayurakan, pinagkanulo ang dangal.
Pansamantalang nahati, kuru-kuro’y iba-iba
Pahiwatig na ito’y yaman, ang tunay na demokrasya
Kung sana ay darating pa, lahat ay magka-isa na
Nang ang bansang Pilipinas, ibabangon ng balana.