TALBOG SI ALING DIONISIA
    104-taong biyuda ganado pa sa pag-indak

    433
    0
    SHARE
    SAMAL, Bataan- Isang babaing mahigit isang daang taon na ang gulang ang ganado pa rin sa pag-indak. Ito’y ipinamalas niya sa nagbubunying mga tao habang tumutugtog ng isang maharot na tugtugin ang isang banda ng musiko sa araw ng kapistahan nitong Linggo ng Santa Lucia, isang barangay ng mga magsasaka sa Samal, Bataan.

    Si Francisca Siasat o mas kilala sa tawag na Nanang Kika ay mahigit 104 taong gulang na sapagka’t batay sa pagsusuri ng malalapit na kaanak,  ang matanda ay ipinanganak  noong Oktubre 10, 1905  bagama’t ipinipilit ng matanda na siya’y 110 taong gulang na.

    Ang tiyak ay talagang mahigit 100 taon na si Nanang Kika sapagka’t ang mga kabarkada niyang mas higit na bata pa sa kanya  kung nabubuhay pa ay 100 na rin ang edad.

    Panata na ng matanda na sumayaw kung Pista ng Krus sa buwan ng Mayo ganoon din kapag Pista ni Apo Ucia (Santa Lucia) tuwing Disyembre 13.

    Ilang kababaihan ang sumanib sa pag-indak ng matandang biyuda habang gumigiling din sa pagsayaw ang mga majorette ng banda ng musiko.

    Malinaw pa rin ang mata bagama’t nakakalimot na  ang matanda sa pagkilala sa kanyang mga kaharap hindi tulad noong isang taon na kilala niya sa pangalan ang karamihan sa kanyang mga kabarangay.

    Si Nanang Kika ang pinakamatandang taong nabubuhay sa Santa Lucia at ito’y utang niya umano sa hindi masiyadong pagpansin sa mga problemang dumarating sa kanyang buhay.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here