Takbuhan sa Bulacan

    539
    0
    SHARE
    Sunod-sunod ang iniulat na tangkang pagkidnap sa mga kabataang mag-aaral sa Bulacan ng mga salarin na hinihinalang nasa likod ng illegal organ trade. Buti na lang walang natangay na bata.

    Ito ay dahil na rin sa matalino ang mga batang Bulakenyo at medyo bobo yung mga suspek.



    Dalawa sa muntik ng maging biktima ay nanlaban at nakatakbo, ang iba naman ay mabilis ding tumakbo.

    Mukhang natuto sila sa kampanya ng pulisya ng Bulacan na takbo laban sa krimen. Tulad ng ginawa ng mga bata, mabilis nga silang tumakbo palayo sa mga suspek.



    Dalawang suspek naman sa tangkang pagnanakaw ng tricycle sa bayan ng Sta.Maria, Bulacan ang napatay ng pulisya noong Biyernes.

    Sorry na lang daw, mabagal silang tumakbo, at mabilis naman sa takbuhan ang mga pulis. Praktisado daw.



    Pinagbabaril naman kahapon ng madaling araw ang bahay ni Kapitan Melvin Santos ng Brgy. Camias, San Miguel, Bulacan. Wala namang nasaktan.

    Pero wala ring nahuling suspek. Mabilis kasing nakatakbo.



    Matatandaan na noong nakaraang taon at nirapido ng mga hindi kilalang lalaki ang bahay ni ex-Mayor Edmundo Jose Buencamino ng San Miguel, at noong Hunyo 8 ay napatay sa ambush si Inhinyero Constantino Pascual ng Rosemoor Mining Corporation na ilang beses na tumakbong alkalde ng nasabing bayan at kongresista ng ikatlong distrito ng Bulacan.

    Pero hanggang ngayon ay hindi na nareresolba ang mga nasabing kaso. Mukhang mabagal sa pagtakbo sa pag-iimbestiga ang pulisya.



    Kaugnay nito, hindi pa rin nareresolba ang kaso ng pamamaslang kay ex-Calumpit Mayor Ramon Pagdanganan at ex-Apalit Mayor Tirso Lacanilao na kapwa pinaslang sa bayan ng Calumpit noong nakaraang taon; maging ang kaso ni San Rafael Councilor Fidel Nacion na pinaslang sa Baliuag.

    Bakit kaya? Baka kung anu-ano ang tinatakbo ng pulisya.



    Tatakbo daw muli sa susunod na halalan si dating Senior Board Member Daniel Fernando na sumikat sa pelikulang “Scorpio Nights” noong dekada 80.

    Kaso hindi pa tiyak kung ano ang kanyang tatakbuhang posisyon.



    Talo-panalo-panalo-talo ang record ni Fernando sa pulitika. Una siyang tumakbo bilang alkalde ng Guiguinto noong 1998, pero natalo. Noong 2001 at 2004, tumakbo siyang Bokal at nagwagi. Noong 2007, tumakbo siyang bise gobernador, pero muling natalo.

    Sana manalo siya sa susunod na pagtakbo!



    Noong nahalal na Bokal sa Fernando ay naging biruan sa kapitolyo ng Bulacan ang kanyang kakayahan sa pagsasalita at pakikipagdebate.

    Dahil dating artista, medyo hirap siya, kasi daw walang script.



    Umaasa na ang mga Bulakenyo sa kanyang muling pagtakbo, at kahit hindi pa ibinubunyag ni Fernando ang kanyang tatakbuhing posisyon, marami na ang nagsasabing tatakbo siya bilang “Cabesa.”

    Siyempre, hindi bilang isang “Cabesa de Baranggay.” Mas malamang daw ay bilang “Cabesa de munisipyo” o Cabesa de Sanggunian.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here