Tagumpay ng PDEA laban sa droga

    258
    0
    SHARE

    Kung ang naging paksa ng Drug Summit sa Clark
    na ginanap nitong buwang nakalipas,
    nina “Nanay Baby” at General Cacdac
    at iba pang mga LGU Officials

    Ay lubos nabigyan ng kinakailangang
    pagtalima riyan ng kinauukulan,
    lalo pa’t ang mga bagay na tinuran
    sa naturang ‘summit,’ dati na ang ilan

    Partikular itong hinggil kung papano
    ang tamang pagtanggap at pag-asikaso
    sa mga dayo lang at di taga rito,
    na gustong umupa ng bahay o puesto;

    Kung saan ang dapat muna nating gawin,
    ipagpaalam sa ‘barangay chair’ natin;
    Alamin ang pagka-tao’t saan galing
    at hingan pati ng sertipikasyon din

    At kung negosyante, at yan ay uupa
    ng ‘warehouse’ o kaya gagawing pabrika,
    Tingnang maigi kung anong produkto niya
    para makatiyak na yan ay di droga

    At paminsan-minsan bisitahin ito
    upang makita ang kanilang negosyo;
    (Nang di matulad sa isang Inhinyero,
    na residente ng San Fernando mismo

    Na ang nangupahan sa kanyang bodega
    sa Greenville ay mga ‘shabu makers’ pala;
    Na ni hindi man lang yata nasilip niya
    kung ano ang tunay na negosyo nila).

    Kaya hayan, buking ang mga damuho
    sa ‘raid’ ng PDEA’t kapulisan dito,
    Kung saan ang laman ng bodega nito
    ay di lamang pala kilo-kilong shabu

    Kundi sako-sako’t nagkaka-halaga
    Ng apat na bilyong piso o sobra pa,
    (Na katumbas na ng nasamsam na droga
    nitong ‘year 2013’ ng PDEA).

    Nakapagtatakang di nabisto man lang
    ng ‘barangay chair’ at mga kagawad niyan
    ang paglabas-masok nitong mga suwapang
    na tatlong Chino sa ‘Village’ na naturan

    Gayong ang distansya ng lugar na ito
    ay mahigit lang yata sa isang kilometro
    mula sa city hall… kaya papaano
    nakapag-operate ang mga damuho?

    Maliban na lang sa may mga kasabuwat
    sila sa illegal nilang aktibidad,
    Na kahit pa man yan ay gawin ng lantad
    ay di sisitain ano pa mang oras.

    Pero kahit naman di mataong lugar
    at kakaunti lamang ang nakatira riyan,
    Ni isa man lang ba ay di napansin niyan
    ang medyo kakaibang mga pagkilos diyan?

    Matatandaang sa Greenville din umupa
    ng apartment noon itong ‘notorious’ na
    Carjackers na sina Dominguez, at saka
    iba pang kasosyong halang ang bituka.

    Di na ba nagtanda itong otoridad
    na dapat umaksyon at gawin ang sukat
    ipairal para sa ‘ting komunidad
    upang malayo sa ganyang aktibidad?

    Sa napakasimpleng pamamaraan lang
    at alinsunod sa dapat ipairal,
    Partikular na riyan ng mga Kapitan,
    na sila talaga itong nasa ‘frontline’

    Para mangalaga sa barangay nila
    at ibang bagay na marapat tingnan pa,
    Kasama na riyan ang maging tapat tuwina
    sa tungkuling naka-atang sa kanila!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here