Home Headlines Swine repopulation susi sa pagbangon ng negosyo ng baboy

Swine repopulation susi sa pagbangon ng negosyo ng baboy

659
0
SHARE

Si Gov. Daniel Fernando sa pakikipagpulong sa mga nag-aalaga ng baboy tungkol sa swine repopulation project. Kuha ng Bulacan PPAO


 

LUNGSOD NG MALOLOS  — Ilulunsad ng pamahalaang panlalawigan ang Bulacan Swine Repopulation Project upang tulungang makabangon ang may 7,000 nag-aalaga ng baboy.

Ayon kay Gov. Daniel Fernando, nagsimula na ang provincial veterinary office ng pagsusuri sa kapaligiran at sampol ng tubig nitong Hunyo upang makita kung may African swine fever pa.

Matatandaan halos dalawang taon nameste ang ASF na naging dahilan ng pagkamamatay ng mga baboy noong 2019 hanggang 2020.

Dagdag pa ni Fernando na ginagabayan ng Bantay ASF sa Barangay (BABay ASF) program ang mga magbababoy upang makabalik sa pag-aaalaga ng baboy nang ligtas at magkaroon ng responsible repopulation para makaiwas muli sa outbreak.

Samantala, sinabi ni provincial veterinarian Voltaire Basinang na maaari nang mag-alaga muli ng baboy ang mga benepisyaryo ng programang sentinel na ayuda ng pamahalaan kung magnenegatibo sa ASF virus sa dalawang magkasunod na pagsusuri sa loob ng dalawang linggo na may isang linggong pagitan at pumasa sa biosecurity audit ang isang farm.

Upang maging kwalipikado naman sa programang pautang, inirerekomenda ng tanggapan ng paghahayupan sa mga magbababoy na nasa loob ng red zone na hindi apektado ng ASF mula nang magkaroon ng outbreak, na sundin ang mga alituntuinin at magsagawa ng pagkuha ng sample ng dugo at swab sa mga natitirang baboy na kailangang gawin ng may pagitan ng dalawang linggo at pagsusuri sa paligid at tubig na kailangang gawin ng may pagitan ng isang linggo, at pagpasa sa biosecurity level 2 bilang pagtalima sa BABay ASF.

Patuloy din silang nagsasagawa ng seminar, forum at pamamahagi ng impormasyon, habang tuloy-tuloy din ang paglilinis at pagdidisinfect ng mga nagbababuyan.

Gayundin, ilulunsad ang adopt-a-barangay project, na kolaborasyon mula sa iba’t ibang pribadong grupo at mga beterinaryo sa pangunguna ng Philippine Veterinary Drug Association at PVO kaugnay ng BABay ASF na layong pumili ng tatlong barangay sa Santa Maria mula sa pula hanggang rosas na zone sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng biosecurity sa mga kulungan ng baboy, pagtuturo sa mga magbababoy sa pamamagitan ng mga pagsasanay at pakikilahok at pakikipagtulungan ng mga stakehoder, maliit man o malaking babuyan. — Vinson F. Concepcion/PIA-3

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here