LUNGSOD NG MALOLOS —Isinusulong ngayon ng isa sa pinakamalaking planta ng semento sa bansa ang adbokasiya para sa sustainable construction.
Ito ay matapos na muling masalanta ng kalamidad na hatid ng pagbaha ang lalawigan ng Bulacan nitong Agosto kung kailan ay isinailalim sa state of calamity ang lalawigan at umabot sa mahigit P500 milyon ang halaga ng pinsala.
Ayon kay Gillian Cortez, isa sa mga public relations officers ng Holcim Cement na nakabase sa bayan ng Norzagaray, ilulunsad nila ang programa sa sustainable construction sa lalawigan sa susunod na buwan.
Ipinaliwanag niya na ang programa ay bukas para sa lahat ng sector kabilang na ang mga mamamahayag.
Binigyang diin pa niya na bilang isang planta ng semento, ang Holcim ay hindi kabilang sa sektor ng konstruksyon o pagtatayo ng mga istraktura.
Sa kabila nito, nakita nila ang kahalagahan ng pagiging responsable upang hindi basta masayang ang mga materyales sa konstruksyon.
“Sustainable construction is everybody’s concern because we need resources in the future,” ani Cortez at sinabing ang programa ay ilulunsad sa Oktubre 2.
Batay pa sa pahayag ni Cortez, inamin niya na “cement production will never be green, but we can make it responsible.” Idinagdag pa niya na na ang sementong gamit sa konstruksyon ay maaaring iresiklo.
Ang semento ay isa sa mga pangunahing sangkap ng kongkreto na siya namang pangunahing gamit ngayon sa konstruksyon ng mga istraktura.
Ayon kay Cortez, ang paggamit ng semento sa kongkretong istraktura ay magpapatuloy habang umuunlad ang ekonomiya ng bansa. Ito ay dahil sa patuloy din ang pagtatayo ng mga gusali at iba pang istraktura kung saan ang mga pader, pundasyon at haligi ay pawing kongkreto.
“As our economy grows, there will always be demand for cement because its discovery has changed the culture in construction of structures,” ani Cortez.
Ipinaliwanag niya na ang kauna-unahang planta ng semento sa bansa ay binuksan sa lalawigan noong dekada 40.
Ito ay ang Republic Cement na nakabase sa bayan ng Norzagaray, ang tahanan ng limang higanteng pabrika ng semento.
Ang Republic Cement ay nasa ilalim ngayon ng pamamahala ng La Farge Corporation, isa sa mga katunggaling kumpanya ng Holcim.
Batay naman sa impormasyong naipon ng Holcim, lumalabas na marami pang semento ang kailangan ng bansa dahil sa malaking bilang ng kakulangan sa pabahay.