CABANATUAN CITY – Namatay kaagad ang isang umano’y notoryosong magnanakaw matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek sa Barangay Magsaysay Norte sa lungsod na ito nitong Miyerkules ng hapon.
Ang biktima ay kinilalang si Danilo Afable, 41, resident ng naturang lugar at may kawing- kawing na kasong robbery at theft sa lungsod na ito simula pa noong unang bahagi ng 1990.
Ayon kay Police Officer 2 Jessie Fernando, imbestigador ng kaso, naglalakad ang biktima sa Toma Cruz St. Barangay Magsaysay Norte bandang alas- 3:40 ng hapon nang paulit-ulit na pagbabarilin ng suspek.
Hindi pa rin matukoy ng pulistya ang uri ng armas na ginamit ng salarin. Nagtamo si Afable ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ayon kay Fernando.
Mabilis namang nakatakas ang suspek sakay ng isang itim na motorskilo na walang plaka, ayon sa pulisya.