MALOLOS CITY—Ilalabas na sa buwang ito ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa para sa kauna-unahang electric jeepney sa bansa.
Ito ay sa kabila ng planong malawakang tigil pasada noong Lunes ng mga tsuper bilang protesta sa pagtaas ng presyo ng langis at paniningil ng 12 porsyentong value added tax (VAT) sa toll fee.
“Umaasa kami na ilalabas na ngayong buwan ng LTFRB ang commercial franchise para sa e-jeepney,” ani Red Constantino, ang executive director ng Institute for Climate and Sustainable City (ICSC).
Sinabi ni Contantino na ang prangkisa para sa e-jeepney ay isang tagumpay para sa transport sector, mga mamamayan at kalikasan.
“This will prove to many jeepney operators that e-jeepney is the answer. Mas malaki ang kikitain nila if they will switch to it from their diesel powered jeepneys that pollutes the environment,” aniya at ipinaliwanag na patuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo.
Bilang bahagi ng inisyatibang Climate Friendly City na inilunsad ng ICSC noong 2007, ang e-jeepney ay sumailalim sa maraming pagbabago.
Kabilang dito ang kakayahan na mas maraming pasahero ang maisakay at fast charging o mabilisang pagkakarga sa baterya.
Ayon kay Contantino, ang bagong unit ng e-jeepney ngayon ay may kakayahang magsakay ng 23 hanggang 24 na pasahero; at may bilis na 40 hanggang 50 kilometro bawat oras.
Maging ang charging ng baterya ng e-jeepney na dati ay inaabot ng walong oras ay pinabilis nila.
“Now, it will only take 10 minutes for a full charge that can run up to 115 kilometers,”ani Constantino.
Ipinaliwanag niya na ang kanilang inobasyon sa charging ng baterya ay batay sa kaugalian ng mga Pilipino sa pagbili ng beer sa tindahan.
Ito ay nangangahulugan na ibibigay lang ng driver ang gamit na baterya sa dealer at papalitan iyon ng bagong charge na baterya.
“Madali lang ngayon, isa-swap lang yung baterya at within 10 minutes pwede na uling bumiyahe,” aniya.
Bukod sa mabilis na pagpapalit ng baterya, sinabi niya na mas maliit ang gastos dito kumpara sa paggamit ng krudo.
Ito ay dahil sa ang full charge sa anim hanggang 12 baterya ay nagkakahalaga lamang ng P250 at makakabiyahe ng 115 kilometro, kumpara sa P1,100 na krudo na gagamitin sa kasing layong biyahe.
Sa ibang bahagi ng bansa, ang P250 charge para sa 115 kilometrong biyahe ay sapat na gamit sa loob ng isang linggo.
Ngunit sa Bulacan, partikular na sa mga jeepney na bumibiyahe sa 11 kilometrong ruta sa pagitan ng Malolos at Hagonoy, ito ay katumbas ng limang round trip.
“Imagine running five roundtrips for only P250 on your usual route, this will be more beneficial to our jeepney drivers and operators because they can earn more with little expenses,” ani Contantino.
Sa kasalukuyan, ang ICSC ay may 25 e-jeepney na bumibiyahe sa ibat-ibang ruta sa Lungsod ng Makati; bukod pa sa mga e-jeepney sa Puerto Princesa City sa Palawan.
Ayon kay Constantino, kapag lumabas ang kanilang prangkisa, makikipag usap na rin sila sa mga Lungsod ng ng Quezon, Mandaluyong, Pasig at maging sa Bulacan para sa operasyon ng e-jeepney.
Ang e-jeepney ay isang imbensyon ng Pilipinong si Ariel Torres. Ito ay nakakatulad ng mga regular na jeepney sa bansa ngunit sa halip na krudo ang gamit sa pagapapatakbo ay kuryente ang ginagamit.
Ang jeepney ay nagmula sa salitang “jeep” o ang pinaikling bigkas sa mga letrang “GP” na ang ibig sabihin ay “general purpose” vehicle.
Ang mga general purpose vehicle ay nilikha ng Chrysler Corporation at ginamit ng hukbong Amerikano sa ikalawang digmaang pandaigdig.
Matapos ang digmaan, ang mga general purpose vehicle na nasira ay iniwan sa bansa ng mga Amerikano ngunit kinumpuni ng mga Pilipino at pinahaba ang chassis.
Hindi nagtagal, isinilang ang jeepney na itinuturing na hari sa lansangan ng bansa.