LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsagawa ng surprise inspection ang National Food Authority-Bulacan sa ilang pamilihang bayan dito kaugnay ng pagdating ng NFA rice na inangkat mula sa ibang bansa.
Sa pamilihang bayan ng lungsod na ito, natuklasan ng NFA na hindi mga lisensyado ang ilan sa mga tindahan ng bigas.
Ang may-ari ng tindahan na sina Connie Santos at Felix Pagiligan ay pawang mga hindi lisensyado ng NFA at hindi dapat basta-basta nagbebenta ng bigas.
Nasa tatlong taon ng hindi nagre-renew ng lisensya sina Santos at Felix at ilan pang mga tindahan ng bigas at pinagmumulta ang mga ito ng NFA.
Ipinatatawag ang mga naaktuhan na nagbebenta ng bigas ng walang lisensya sa tanggapan ng NFA para magpaliwanag.
Depensa ng mga tindero, hindi nila alam na walang lisensya ang kanilang mga tindahan.
Ayon naman kay Elvira C. Obaña, provincial manager ng NFA-Bulacan, ipapatawag nila ang mga may-ari ng tindahan na hindi lisensyado.
Anya, magmumulta ng malaking halaga ang mga hindi nag renew ng kanilang permit at lisensya.
Kahit aniya na hindi magbebenta ng NFA rice ay kinakailangan pa ring may lisensya sila galling NFA.
Samantalang nasermunan naman ng NFA ang mga tindahan na accredited para magbenta naman ng NFA rice dahil sa hindi pagsunod sa pagkakabit ng mga signages na sila my authorized na magbenta ng NFA rice.
Ayon sa NFA- Bulacan, nilimitahan muna nila sa ngayon ang pamamahagi ng NFA rice dahil paunti-unti din ang unloading ng bigas sa Subic, Zambales dahil sa mga nararanasang pag-ulan.
Dagdag pa niya regular silang magsasagawa ng inspeksyon sa mga pamilihan upang mabantayan ang presyo ng bigas sa palengke at tiyaking hindi ihahalo ang NFA rice sa mga commercial rice.
Aniya sa ngayon ay wala pa namang nahuhuli o nakakasuhan sa Bulacan hinggil sa ilegal na pagtataas ng presyo ng bigas o paghahalo nito.
Sa mga nagtitinda ng NFA rice ay kinakailangan ding maisoli o makita nila ang mga basyo ng sako kung naubos na at bibigyan nila ulit ng suplay.
Nasa 300 lisensyadong nagtitinda ng bigas sa buong probinsya at mahigit 100 naman ang nabigyan na nila ng supply.