Ang tuwirang pagbatikos ng Pangulo
Sa ‘ting kataastaasang Mahistrado,
Hinggil sa kung anong naging aksyon nito
Na posibleng pabor kay Ginang Arroyo
Ay di mainam ang dating n’yan kumbaga
Partikular na sa ating Republika,
Na tunay naman ding maka-demokrasya
Ang ‘scales of justice’ natin sa tuwina.
Lumalabas kasi sa naturang punto
Na animo’y walang laya ang Husgado
Upang himayin n’yan ang anumang kaso
Ng naa-ayon sa legal na proseso.
At para bang ito’y pinagdududahan
Sa kung anong bagay na pinanghawakan
Ng Supreme Court upang itong kahilingan
Ng dating Pangulo ay pahintulutan.
Ano pa ang silbi ng ‘Highest Tribunal’
Kung ang kagustuhan lang ng Malakanyang
Itong masusunod sa kung ano pa mang
Kasong sibil at/o usaping kriminal
Ng kahit na sino pa mang indibidual,
Na dapat litisin sa ating Hukuman;
Yan ay pagsakal na ng pamahalaan
Sa “Human Rights” ng sinumang nasasakdal.
Na kagaya nitong mga pangyayari
Sa isa pa manding dating Presidente,
Kung saan animo itong ‘Supremacy’
Nitong ating Kataastaasang Korte
Sa kung anong naging Resolusyon nito
Tungkol sa usapin ni Ginang Arroyo
Ay binatikos nga ng ating Pangulo
Si Chief Justice Renato Corona mismo.
Yan sa ganang aming sariling opinyon
Ay di ikapuri ng Administrasyon,
Kundi bagkus magdudulot ng kung anong
Negatibong puna’t mga kontra aksyon
Laban kay PNoy at mga kaalyado
Na pursigidong makulong si Arroyo,
Partikular na r’yan si De Lima mismo
Na dati’y kasangga ng dating Pangulo.
Pero hayan, bukod sa iba pang ‘atat’
Ipitin si Gloria at di makalabas,
Pati kautusan ng pinakamataas
Na husgado nitong bansang Pilipinas
Ay sinuway pa n’yan at nagmatigas siya
Sa kanyang desisyon na ipapigil niya
Ang paglabas noon ni Pangulong Gloria,
Na kung saan dapat nagamot na sana.
At di tulad nitong asa mo’y talamak
Na kriminal itong inipit at sukat,
Bunsod lang ng di pa lubos maliwanag
Na kasong pilit na pinalalabas
Na siya ang nasa likuran talaga
Nitong ‘electoral sabotage’ anila;
Gayong alegasyon lang ang nakalap na
Impormasyon nitong ilang ‘detractors’ niya.
At ang masakit ay pati Malakanyang
Sumakay ng husto sa akusasyon lang,
At kung saan pati ang ‘Highest Tribunal’
Animo ay gusto na nilang sapawan?
At masahol pa sa uring diktadura
Itong ninanais ipairal nila,
Upang Malakanyang na itong dumikta
Sa lahat – pati na sa Hudikatura?