Supply ng semento kapos, presyo tumaas

    968
    0
    SHARE
    NORZAGARAY, Bulacan – Humaba ang pila ng mga truck na nagdadala ng mga semento sa ibat-ibang bahagi ng Gitnang Luzon at kalakhang Maynila matapos bumaba ang produksyon ng semento dito bago magpasko.

    Ayon kay Jun Antalan, isa sa mga driver ng truck na nakapila sa harapan ng pabrika ng Holcim Cement sa bayang ito, dalawang araw na silang naghihintay na makargahan ng mga bag ng semento ang kanilang mga truck.

    Sinabi ni  Antalan na ngayon lamang nila naranasan ang pumila ng matagal bago makapagbyahe ng semento.

    Binigyang diin pa niya na halos isang buwan na nilang nararanasan ang ganitong sitwasyon at ang dahilan aniya ng kumpanya ay sira ang mga makina nito na lumilikha ng semento.

    Ipinaliwanag naman ni Pol Placido, manager for logistics ng Holcim, na nagsagawa sila ng preventive maintenance sa mga milling machines kaya’t bumaba ang kanilang produksyon ng kanilang semento ngayong buwan.

    Ang preventive maintenance ng Holcim ay natapos noong hapon ng Disyembre 23, kaya’t inaasahang makalipas ang Kapaskuhan ay makakabalik na sa normal ang kanilang produksyon.

    Karaniwang nakapagsusupply ang Holcim ng tig-1,000 sako ng semento sa 200 na mga trucks kada araw, dahil sa umaabot sa 200,000 bag ang kanilang produksyon.

    Ngunit dahil sa preventive maintenance sa kanilang makina ay aminado silang bumagsak ang produksyon ng 50 porsyento.

    At sa kabila nito ay sinabi ni Placido na hindi naman sila nagtaas ng presyo bagama’t malaki ang binaba ng produksyon.

    Ayon pa sa Holcim, karaniwan din naman kasing mababa ang produksyon ng semento kapag panahon ng Kapaskuhan dahil sa ang prayoridad ng publiko ay ang paghahanda sa selebrasyon.

    Bukod dito ay apektado rin ang semento ngayong taon dahil sa nakaraang pagbaha dala ng bagyong Ondoy matapos gamitin sa rekonstruksyon at rehabilitasyon ang supply ng semento.

    Naging prayoridad din anila ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kinakailangang tapusin bago sumapit ang election ban para sa May 2010 automated elections.

    Matatandaang nagsipagreklamo ang mga mamimili at ilang mga construction supply owners sa lalawigan ng Bulacan partikular sa lungsod ng Malolos dahil sa kakapusan ng supply ng semento sa merkado.

    Isang nagpapagawa ng bahay sa Barangay Look sa Malolos, Bulacan ang nakapanayam ng Punto Central Luzon at sinabing “mukhang nagtataguan lamang ang mga suppliers ng semento.”

    Paniniwala niya na may hoarding lamang ng semento upang itaas ang presyo nito.

    Itong nakaraang araw ay bumili umano siya ng semento ngunit limitado lamang sa tatlong sako ang kanyang nabili na ang kailangan sana niya ay 12 sako.

    Bukod doon ay tumaas pa aniya ang halaga nito na dati ay nasa P197 kada sako ng semento ngunit ngayon ay nasa P230 na.

    Sinubukan pa umano nilang bumili ng semento sa iba pang mga hardwares sa kanilang bayan ngunit talagang wala ng mabili.

    Ayon naman kay Eric Villarama, isang hardware owner sa Malolos, naging mahigpit at limitado lamang sa ngayon ang supply nila ng semento.

    Ipinakita pa nito sa Punto ang imbak niyang sako ng semento sa kanyang bodega na tatatlong sako lamang.

    Aminado rin siya na tumaas ng hanggang 10 porsyento ang halaga nito.

    May isang buwan na umano nilang nararanasan ang kakapusan ng supply ng semento

    Reklamo din nila Villarama na apektado rin sila ng kakapusan ng supply ng semento dahil sa kapag wala nito ay humihina rin ang kanilang negosyo.

    Kapag wala kasi aniyang supply ng semento ay hindi rin nabibili ang kanilang tindang bakal at buhangin.

    Hindi rin matukoy nila Villarama kung hanggang kailan ang sitwasyong ito.

    Lugi aniya ang maliliit na negosyante na tulad nila sa ganitong sitwasyon sapagkat hindi naman sila nakakapag-imbak ng maraming sako ng semento dahil sa kawalan ng puhunan kung ikukumpara sa malalaking mga construction supplier.

    Paniniwala rin ni Villarama na artificial lamang ang kakapusang ito sa supply ng semento.

    Aniya hindi lamang ang Bulacan ang may ganitong sitwasyon sa kasalukuyan kung hindi maging sa ibang bahagi ng Luzon ay apektado rin.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here