Home Headlines Suporta ng gobyerno sa magsasaka ng sibuyas kapos

Suporta ng gobyerno sa magsasaka ng sibuyas kapos

1319
0
SHARE

Pag-aani ng sibuyas sa Bongabon. FB photograb/CTTO



BONGABON, 
Nueva Ecija – Kulang ang suporta na naipagkakakoob ng pamahalaan sa mga magsasaka ng sibuyas sa kabila ng kahalagahan ng kanilang produkto, ayon sa alkalde ng bayang ito na tinaguriang “Onion Basket” ng Pilipinas.

“Aminin ko na po talagang wala namang totoong tulong na nakukuha po yung aming mga magsisibuyas sa gobyerno,” ayon kay Mayor Allan Xystuz Gamilla nang matanong kaugnay ng hinaing ngayon ng mga magsasaka sa biglang pagbagsak ng presyo ng sibuyas.

Ayon kay Gamilla, karaniwang nagbibigay lamang ang pamahalaang nasyunal ng isang lata ng binhi sa isang magsasaka na kulang para sa pangangailangan nito.

Sa bahagi ng lokal na pamahalaan ay libreng pagamit ng makinarya sa paghahanda ng lupang tataniman at nitong huli ay ang kemikal kontra sa mapaminsalang armyworm ang kanilang naitulong.

“Hindi katulad ng palay na kapag ibinigay yung binhi, ibinibigay ang pataba, mga pangangailangan ng magpapalay. Itong sa sibuyas, bibigyan lang kami ng buto, kung ilan lamg ang gustong ibigay sa’min. Minsan po ay wala pa,” aniya.

Gayunman ay wala aniyang magagawa dahil nakasanayan na sa kanilang bayan ang pagsasaka ng sibuyas bilang kabuhayan. 

Malaking problema rin sa industriyang ito ang climate change, dagdag ng punong bayan.

“Hindi mo na rin kayang i-predict katulad ng dati. Yung lahat ng iyong mga kailangang maintenance dun sa tanim mo. Yung pag-antabay sa kung kailan ka magbubunot (harvest)…iba na ngayon,” paliwanag ni Gamilla.

Nagsisimula pa lamang ang anihan ng sibuyas sa bayang ito ngunit ipinagtataka ng mga magsasaka na mula sa P70 kada kilo noong kalagitnaan ng Pebrero ay nasa P17 kada kilo na lamang ngayon ang presyo ng sibuyas na puti o yellow grannex.

Wala pa naman masyadong inaaning sibuyas na pula o red creole ngunit lumalabas na nasa P50 bawat kilo umano ang umiiral na presyo nito sa kasalakuyan.

Batay sa datus ng municipal agriculture office, tinatayang nasa 2,300 ektarya ang natamnan ng sibuyas sa bayang ito ngayong taon. Sa bilang na ito ay nasa 50 ektarya pa lamang ang pinag-aanihan sa ngayon.

Nasa 500 ektarya naman ang naapektuhan ng ulan at insekto.

Pero bukod sa bagsak na presyo ay idinadaing ng mga magsasaka ang pagkasira ng kanilang pananim dulot ng insekto at mga pag-ulan noong huling bahagi ng 2020.

Kabilang na rito ang magsasakang si Ricardo Caisip ng Barangay Palo Maria na nagtanim ng sibuyas na puti. Kung dati aniya umaabot sa 200 bag ang kanyang inaani ay nasa 80 bag lamang ngayon.

Hindi rin malaman ng magsasakang si Ricardo Dueñas kung paano mababayaran ang kanyang inutang na puhunan. 

Ayon kay Gamilla, wala pa naman silang namo-monitor na importasyon ng sibuyas sa ngayon.

Pagtiyak ng alkalde, patuloy ang kanilang pagsisikap na maibangon ang industriya at matulungan ang kanilang mga magsasaka.

Kamakailan ay  inaprubahan ng Regional Project Advisory Board ng Department of Agriculture  ang P206-million cold storage na panukala ng LGU matapos iprisinta ni Gamilla ang kakulangan ng ganitong pasilidad. Popondohan ito ng World Bank at LGU sa ilalim ng DA-Philippine Rural Development Project. 

Batay sa programa, sa itatayong cold storage ay hindi kailangang magbayad ng reservation fee ang mga magsasaka at ang pagbabayad ng storage fee ay kapag naibenta na ang produkto.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here