LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nirepaso ng Micro, Small and Medium Enterprises Development Council o MSMEDC ang mga hakbang sa pagkakaroon ng mura at sapat na suplay ng karne ng baboy para sa mga gumagawa ng chicharon sa Bulacan.
Ayon kay Department of Trade and Industry Provincial Director Edna Dizon, layunin ng special meeting ng MSMEDC na higit na mapalakas ang produksyon at maitaas ang kalidad sa paggawa ng chicharon.
Ito’y upang maihanda ang mga gumagawa at nagtitinda ng chicharon sa lalawigan na pormal na makapasok sa export markets sa ilalim ng mga free trade agreements.
Bagama’t mayroong suplay ng balat at karne ng Baboy, karamihan sa mga ito ay pawang mga inangkat o imported na resulta ng umiiral na mga Executive Orders 128, 133, 134 at 171 ni noo’y Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ito ang nagtaas sa 254,210 metric tons na minimum access volume ng karne ng Baboy na pinayagang makapasok sa lokal na merkado para sa mga taong 2021 at 2022.
Kalakip nito ang pag-modify ng import duties sa nasabi ring mga taon.
Umaangkat ng malaking bulto ng mga balat at karne ng Baboy ang bansa dahil sa kinaharap na krisis na dulot ng African Swine Fever o ASF, dahil nahinto sa pagpaparami ng Baboy ang mga lalawigan gaya ng Bulacan.
Base sa ulat ni Ma. Cristina S. Lopez, statistical specialist II ng Philippine Statistics Authority-Bulacan, malaki ang ibinagsak ng suplay ng karne ng baboy sa Bulacan dahil sa ASF.
Nasa 21,597 metric tons lamang ng karne ang nailabas sa mga merkado sa lalawigan noong 2021 kumpara sa 141,745 metric tons noong 2020.
Hiniling din ng mga gumagawa at nagtitinda ng chicharon na mas mapababa pa ang presyo ng mga imported na balat at karne ng baboy, habang hinihintay ang lokal na suplay mula sa repopulation.
Nakikipag-ugnayan na ang MSMEDC sa Department of Agriculture at sa Provincial Veterinary Office kung uubra nang madagdagan ang karne ng baboy mula sa lokal na sa suplay bukod sa imported.
Ito’y upang mas mapababa ang presyo nitong mga hilaw na materyales na pangunahing kailangan sa paggawa ng chicharon.
Nasa 100 mga MSMEs ang gumagawa ng chicharon sa Bulacan sa kasalukuyan.
Bawat isang karaniwang gumagawa ay nagpoproseso ng tatlo hanggang limang tonelada o katumbas ng 800 na kilo ng karne ng baboy kada isang linggo.
Kaugnay nito, nagpahayag din ng suporta ang Department of Science and Technology o DOST sa planong inobasyon para sa packaging ng mga Chicharon na itinitinda sa lokal at pandaigdigang merkado.
Ipinaliwanag ni DOST Provincial Director Angelita Parungao na kailangang maging moderno na ang pisikal na anyo ng chicharon bukod sa tradisyunal na bultu-bultong balat ang nasa isang balot.
Hinalimbawa niya na maaaring magkaroon ng packaging ang chicharon na tig-iisang malaking tipak, tig-iisang maliliit ang tipak at isang magkakahalo sa isang balot ang iba’t ibang flavors nito.
Sa pamamagitan ng ganitong istratehiya, mapapalaki aniya nito ang value-added ng chicharon.
Samantala, inialok naman ni Provincial Cooperative and Enterprise Development Office Head Jayric Amil ang mga pasilidad ng Bulacan Toll Packaging Service and Toll Packing Center.
Ipinatayo ito ng pamahalaang panlalawigan noong 2005 upang suportahan ang mga MSMEs sa pagkakaroon ng mura at dekalidad na packaging ng mga produktong pagkain at inumin. (CLJD/SFV-PIA 3)