Home Headlines Super Health Center ng San Rafael itatayo sa pinalaking Government Center

Super Health Center ng San Rafael itatayo sa pinalaking Government Center

570
0
SHARE

SAN RAFAEL, Bulacan (PIA) — Sinimulan nang itayo sa loob ng mas pinalaking San Rafael Government Center sa Bulacan ang isang Super Health Center (SHC) na pinondohan ng Department of Health (DOH) sa halagang 9.9 milyong piso.

Pinangunahan ni Senador Christopher Lawrence Go ang pagbabaon ng panandang bato bilang hudyat ng pagsisimula ng konstruksiyon ng isang palapag na istraktura.

Ayon kay Go, isang semi-hospital ang konsepto ng SHC kung saan may mga birthing facility, isolation, pharmacy at ambulatory surgical unit.

Magkakaroon din ito diagnostic services gaya ng laboratory, X-ray, at ultrasound.

Rendisyon ng arkitekto para sa itatayong Super Health Center sa mas pinalaking San Rafael Government Center sa Bulacan. Pinondohan ito ng Department of Health sa halagang 9.9 milyong piso na target matapos sa taong 2024. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Dagdag pa ni Go, itinatayo ang mga SHC sa may maluluwag na lote ng lupa dahil idinisenyo ito na “expandable”.

Ibig sabihin, maaring maglagay ang lokal na pamahalaan ng mga karagdagang pasilidad gaya ng dialysis facilities, at mga specialty services tulad ng eye, ear, nose, and throat; oncology centers; at physical therapy and rehabilitation.

Ayon kay DOH Bulacan Development Management Officer V Emily Paulino, naglaan ng hiwalay na dalawang milyong piso para ipambili ng mga kasangkapan at kagamitan at kailangan sa mga partikular na nabanggit na mga pasilidad sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program.

Itatayo ito malapit sa likod ng gusali ng munisipyo ng San Rafael na bahagi ng government center.

Ayon kay Mayor Mark Cholo Violago, binili ng pamahalaang bayan ang katabing lupa ng government center upang mapagtayuan SHC.

Tiniyak naman ng punong bayan na magkakaroon ng tig-iisang ambulansiya ang 34 na barangay.

Ito’y upang masundo at maihatid sa SHC ang mga pasyenteng nangangailangan ng agarang tulong medikal, nang hindi na kailangang laging isinusugod o dinadala sa mga ospital. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here