Summer escapade sa Biak-na-Bato, P165 lang

    889
    0
    SHARE
    SAN MIGUEL, Bulacan—Naghahanap ka ba ng mapupuntahan ngayong summer na hindi masakit sa bulsa?

    Narito ang isa sa pinakamura. Isang araw na guided ecological, historical and cultural tour sa halagang P165 lang.

    Ganyan kababa ang iyong gagastusin sa pamamasyal sa Biak-na-Bato National Park na nagsilbing kublihan ng mga rebolusyunaryong Pilipino na nakipagdigma sa mga Kastila, Amerikano at mga Hapon.

    Ang Biak-na-Bato ay matatagpuan sa bayang ito na halos ay 60-kilometro lang sa hilaga ng Maynila.

    Ayon kay Millet Nudos, isang kasapi ng samahan ng mga tour guide sa national park, P20 lamang ang ibinabayad ng mga turista bilang entrance.

    Para naman sa guided tour sa apat sa mahigit 100 kuweba, magdadagdag lamang ng P150.

    “Mahigit sa 100 ang kuweba dito sa Biak-na-Bato, pero P150 lang ang singil namin para sa apat na kuweba,” ani Nudos.

    Ilan sa mga pinaka-popular na kuweba sa Biak-na-Bato ay ang Aguinaldo at Paniki Cave.

    Ang Aguinaldo Cave  ang pinagsagawaan ng paglagda ni Aguinaldo at kinatawan ng mga Kastila sa kasunduang tinawag na Pact of Biak-na-Bato mahigit 100 taon na ang nakakaraan.

    May habang 40 metro ang kuweba at sa dulo nito ay mayroong bato na hugis mesa kung saan nilagdaan ang kasunduan.  Ginamit din itong tanggapan ni Aguinaldo.

    Ayon sa mga manunulat ng kasaysayan, magandang taguan ang kuweba dahil sa bungad nito ay may tubig at walang mag-iisip na iyon ay gagamiting taguan o tanggapan ng yumaong heneral.

    Sa kasalukuyan, ang mesang bato na ginamit ni Aguinaldo ay lubog na sa tubig, ngunit ipinagbabawal ang paliligo sa loob nito dahil sa ang tubig na naiipon doon ay ginagamit na inumin ng nga residenteng nakatira sa paligid ng park.

    Gayunpaman, pinapayagan ang paliligo sa Balaong river, sa labas ng kuweba.

    Ipinagmamalaki rin ang Paniki Cave sa national park dahil sa natural na kandahan nito.

    Ang Paniki Cave ay may 40 metro din ang haba ngunit may undeground river ito dahil ang Balaong River ay lumbagos at dumadaloy sa loob nito.

    Bukod idto, ang Paniki Cave ay tahanan ng libo-libong paniki na sa pagsisimula ng takipsilim ay naglalabasan at lumilipad sa kahabaan ng Balaong River bago tuluyang lumayo at maghanap ng makakain kung gabi.

    Bukod sa mga nasabing kuweba, atraksyon din ang Yungib 1,2,3, at 4.

    Ang Yungib 1 ay may 100 metro ang haba at tinaguriang “ambush cave” dahil doon pinaslang ang mga sundalong Kastila na humabol sa mga katipunero.

    Nasa tabi lamang ng Balaong River ang Ambush Cave na ang loob ay lubhang madilim.

    Tinawag namang “ospital” ang Yungib 2 dahil iyon ang ginamit na pagamutan ng mga katipunerong nasugatan sa digmaan.

    Ang Yungib 3 ay tinawag na “imbakan” dahil nagsilbi itong imbakan ng mga gamit at suplay ng mga katipunero; samantalang ang Yungib 4 ay tinaguriang “tanggapan” dahil doon pumapasok at nagpatala ang mga bagong katipunero.

    Sa kasalukuyan, patuloy na dinarayo ang Biak-na-Bato, at ayon kay Benedicto Agbisit, ang park superintendent, inaasahan nilang mas maraming turista ang bibisita doon sa taong ito.
    Sinabi niya na noong nakaraang taon, umabot sa P430,000 ang halaga ng  mga tiket na kanilang naibenta sa mga pumasok sa national park.

    Ito ay katumbas ng bilang na 21,500 turista dahil ang bawat isa ay nagbayad ng P20.

    “We might hit the P500,000 ticket sale marker this year because more tourists are becoming interested to Biak-na-Bato,” ani Agbisit.

    Kaugnay nito, sinabi niya na planong magtayo ng tatlong palapag na hostel sa national park kung saan ay maaaring tumigil ang mga bisita.

    Ito ay bukod na naunang itinayong pavilion na maaaring gamit para sa mga kumperensiya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here