Ang suspek na si P.S/Sgt. Jonel Nuezca nang humarap sa IAS sa pagsisimula ng summary hearing para sa kasong administratibo. Kuha ni Rommel Ramos
PANIQUI, Tarlac — Isinilbi na nitong Lunes ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police ang summons para sa akusadong si Staff Sergeant Jonel Nuezca dahil sa pagpatay sa mag-inang Gregorio na nagviral pa ang video sa social media.
Inihain ni Atty. Cristina Alcantara, provincial director ng IAS Bulacan at itinalagang summary hearing officer, ang summons laban kay Nuezca habang nakaditene ito sa Paniqui Police Station.
Inilabas pansamantala ng piitan si Nuezca para pormal na tanggapin ang summons at humarap sa summary hearing.
Sa pagharap ni Nuezca sa summary hearing ay humiling pa ito na sana daw ay bigyan pa siya ng pangalawang pagkakataon ngunit tugon ng IAS na sila ay magbabatay lamang sa mga ebidensya ng pagdinig.
Ayon kay Alcantara, gumulong na ang summary hearing para sa kasong administratibo laban sa pulis at matapos na isilbi ang summon ay binibigyan ng pagkakataon si Nuezca na sagutin ang reklamo laban sa kanya.
Sa ika-4 ng Enero 2021 gaganapin ang pre-hearing conference at dito isusumite ni Nuezca ang kanyang sagot at mga counter–evidence kung mayroon man.
Ani Alcantara, batay sa Napolcom Cirular 2016 – 002 na sa ilalim ng pre-hearing conference ay mamarkahan ang mga dokumento na ihahain ni Nuezca bilang pormal na ebidensya at wala nang mga kasunod pang pagdinig matapos ang Enero 4.
Plano ng IAS na gawin ang pre-hearing conference sa Paniqui Police Station kung saan nakaditene ngayon si Nuezca.
Matapos ang pagdinig ay maghahain na ng rekomendasyon ang IAS sa tanggapan ni PNP chief Gen. Debold Sinas para sa pinal na desisyon kay Nuezca.
Target ng IAS na matapos ang pagdinig sa loob ng 30-araw.
Hindi na nagbigay ng pahayag si Nuezca sa mga mamamahayag kabilang na ang Punto!.
Binigyan din ng IAS ang pamilya Gregorio ng notice of hearing kung nais ng mga ito na dumalo sa pagdinig sa Enero.
Kahit na hindi dumalo sa pre-hearing conference ang sino man sa mga Gregorio ay gugulong pa rin ang pagdinig at hawak naman daw ng IAS ang mga testimonya at mga ebidensya ng mga ito.