Home Opinion Sukatan ng tapang o ng tamang katuwiran?

Sukatan ng tapang o ng tamang katuwiran?

529
0
SHARE

NGAYON masusubok ng husto ang tapang
at gilas ng isang may pagkamayabang
na senador pa rin sa kasalukuyan,
bagama’t dapat ay nasa kulungan ‘yan.

Kung saan ang kaso na kinakaharap
ay rebelyon, sedisyon o ng pag-aklas
laban sa gobyerno at tangkang pabagsak
sa kaparaanang sa wasto taliwas.

At ang sentensya na dapat pagdusahan
ay ‘lethal injection’ sana kung hindi lang
ibinasura na ang parusang laan
para sa nagawang grabeng kasalanan.

Pinangalanan niyang duwag ang Pangulo
sa dahilang aniya’y iniwasan nito
ang sila’y magharap gayong ang totoo
ay baka siya ang posibleng kabado.

Maalam sa batas si Pangulong Digong
kaya batid n’yan ang marapat na aksyon
bilang abogado para maipakulong
ang tulad ni Tonio na dapat ikulong.

Hindi simpleng kaso ang pangunahan niya
ang ‘Oakwood mutiny’ na isang ‘coup de’tat’
o tangkang pag-agaw sa kapangyarihan na
hawak ng halal ng sambayanang masa.

Kaya natural lang na magkukubli ‘yan
sa palda ng ‘Senate’ para maiwasan
na maaresto ng kinauukulan
sa loob mismo ng sariling tanggapan.

Di ba sa ibang bansa, ang ganitong klase
ng kaso ay tiyak na parusang bigti
o ‘firing squad’ na higit na matindi
kaysa tinututsa sila sa kuryente?

Di kaya higit na sa ‘Court Martial’ dapat
itong si Trillanes kailangang iharap
para sa masusi at lubhang maingat
na pag-analisa sa nagawang palpak?

Nang sa gayon higit nitong maiwasan
ang ika ng iba ay kababalaghan
sa ‘bar of justice’ na niluluto minsan
ang kaso pabor sa gustong mangibabaw?

Pero kung talagang matapang talaga
itong si Trillanes, dapat lumantad na
para harapin ang anila’y buhay pa
na kanyang kaso na di pa naresolba.

Ang problema nga lang ay itong malimit
na kakuparan ng ating ‘bar of justice’
sa pag-asikaso ng mga pagdinig,
na ang ‘involved’ sikat na ‘personalities’.

Kung anong mayrun sa likod ng ganito,
‘yan ay naitanong ko na sa Lolo ko.
“Ang dukha’t mayaman, tandaan mo Apo,
di pantay ang paa nila sa husgado”.

Mahabang panahon na ang nakaraan
nang usisain ko kay Lolo ang ganyan,
pero natanim sa aking kaisipan
ang sa akin ay pabulong na tinuran.

Kaya ngayong ako ay may edad na rin,
‘yan ang sa Apo ko madalas sabihin:
na ang mapilak at putikan ang sapin,
ang huli malimit na mapailalim.

Aywan lang dito sa kaso ni Trillanes
kung alin at sino itong mananaig,
ngayong sa gyera ng tama at matuwid
ang maglalaban ay parehong matinik!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here