SA AKALA kaya natin nagkamali
tayo ng pagboto sa taong ni hindi
takot itaya ang buhay n’yan sa imbi
at walang dinidiyos kundi ang salapi?
Kung makasarili ang ating Pangulo
bakit isusugal n’yan ang buhay nito
laban sa salot ng matinong gobyerno
na kagaya r’yan ng teroristang grupo?
At iba’t-iba pang malabis na tutol
sa pamalakad ng kagaya ni Digong,
na ginagawa na ang lahat, maugong
pa rin ang sa gusto niya ay di pabor.
Gaya ng pagsupil sa lahat ng labag
sa batas, na ngayon ay lubhang talamak
sa lahat ng dako nitong Pilipinas,
na kinokontra ng ilang mambabatas
Partikular nina Pia Hontiveros,
Trillanes, Drilon at mga kontrapelos,
na wala na yatang ginawang pagkilos
ang ating Pangulo na di binatikos.
Anong masama sa naising mangyari
ng kagalang-galang nating presidente
kung ang Martial Law ay i-extend, at posible
sa buong Mindanao hangga’t maaari?
Na tinututulan nga ng ilang Solon
na di kumbinsido sa rason ni Digong
na baka kung hindi sa buong Mindanao,
ang ‘Maute’ di basta madaling masukol.
Kasi nga kung yan ay sa parteng Marawi
lamang ipatupad, ano’t kung sakali
makatakas sila – ya’y napakadali
nilang makalipat sa iba pang gawi
Na karatig lugar ng Marawi mismo,
gaya ng Iligan, Ozamis at Lanao;
kaya kung ang martial law ay limitado
lang sa Marawi ay hindi epektibo.
At ano ang dapat namang ipangamba
nitong sa martial law ay tutol anila,
gayong ito’y hindi katulad ng una
na ang military noon asal kobra
Na kaunting hindi pagka-ayon ng sagot
nitong ang akala ay laban kay Marcos
ang kinokompronta ng sundalong hambog,
mag-asawang sampal ang tiyak na kasunod.
Pero yan ay wala sa bokabularyo
ng ngayo’y magalang na mga sundalo
sa administrasyon ng bagong Pangulo
na mabait pero may pagkaistrikto.
At kung mayroon man tayong kababayan
na posibleng kay Sir di nasisiyahan
sa takbo ng kanyang pamalakad minsan,
ya’y karaniwan na’t di matatawaran.
Dala na rin nitong sa mundong ibabaw
lahat di puedeng iisa ang pananaw
sa takbo ng buhay natin araw-araw
na ginawa ng Diyos hanggang sa pagpanaw.
Palibhasa’y likas na sa ating mundo
na ginagalawan ng lahat ng tao
itong kung minsan ay di malaman nito
ang dapat ikilos upang maging tao.
Dala na rin nitong kapagka ang inggit
ang sa ating puso ang lubos nanaig
pinakamatino man at ubod bait
gagawan natin ng di kanaisnais!