Maganda at pihong ang problema hinggil
Sa pag-‘segregate’ at pagtatapon natin
Ng ating basura’y malulutas na rin
Sa pagtatakda ng kaukulang singil
Na dalawang piso ‘per household’ o bubong
Ang kwenta magiging ‘daily obligation’
Ng lahat para sa pagkolekto nitong
Ating basura na kailangang itapon
At kung saan bunsod ng ganyang paraan,
Na ang kapalit ay kaunting barya lamang,
Ay tiyakang mayrun tayong maasahan
Na may maghahakot n’yan sa araw-araw.
At magdadala sa itinakdang lugar
Kung saan marapat itapon lahat yan;
At di gaya nitong ni walang regular
Na pumi-‘pickup’ sa ating basura riyan.
Gaano na itong tayo ay gumasta
Ng dalawang piso o kaya higit pa,
Kung ito ay ating ikagiginhawa
At malilibre sa amoy ng basura?
Kaya kung ang suhestyong ito ni ‘Nanay’
Ang maipatupad at ganap umiral,
Saan mang panig ng ating lalawigan
Wala ng basurang nagkalat kung saan.
Ang di lang malinaw sa iba ay itong
Kung sino sa bawat bayan at/o nayon
Ang magsisilbi bilang mga kolektor
Sa dalawang piso nating kontribusyon?
At kung saang bangko ito ilalagak
Ng kung sinong indibidual na hahawak;
Punong barangay ba o isang Kagawad,
Kundi man ang Ingat-Yaman na siyang dapat?
Ng bawat barangay ng alin mang bayan
O ang ‘Municipal Treasurer’ ang siyang
Kwenta hahawak din sa makokolektang
Pera, na ‘two pesos per household’ sa lugar?
Na araw-araw na masisingil nitong
Kolektor sa bawat pamilya o bubong?
(Kundi man buwanan dapat ang koleksyon
Upang di abalang lubha sa kolektor)
Kasi baka di rin magiging magaang
Para sa kolektor kung ya’y araw-araw
Na maglilibot sa sakop na barangay
Upang likumin ang singiling naturan.
At ang isang bagay na alalahanin
Nitong ilang mga kabarangay natin
Ay itong baka raw hindi makarating
Sa dapat paglagyan ang takdang singilin.
Kasi nga, aminin man o itanggi riyan
Nitong ilan nating opisyal ng bayan,
Partikular na sa ‘barangay level’ diyan,
May mga milagrong nangyayari minsan.
Kung saan para lamang kumita si Kap
At maambunan pati na rin Kagawad,
Pati ‘patrol car’ na matagal ng wasak
Ay patuloy pa ring ‘budgeted’ ng pang-‘gas’
Kaya di malayong baka pati na rin
Itong ‘budget’ para sa basura natin,
Ay pag-intrisan pang ito ay kuputin
Ng ilang opisyal nating magagaling!