Subdivision ni Villar inireklamo

    581
    0
    SHARE
    BALIUAG, Bulacan—Muling nag-aklas ang mga magsasakang Bulakenyo laban sa ipinatatayong subdivision ni Sen. Manny Villar sa bayang ito kamakalawa.

    Sa kabila ng walang pahintulot at may kautusang pagpapatigil ng konstruksyon ng tulay ng Prominenza Subd. sa naturang bayan ay tuloy pa rin ang pagpapatayo nito. Kaya’t noong Miyerkoles ay sumugod ang mga apektadong magsasakang Bulakenyo na nauwi sa bahagyang tensyon.

    Umaga pa lamang ay nagtungo na ang mga magsasaka mula sa bayan ng Baliuag sa Camp Gen. Santos Alejo Santos na tanggapan ng Bulacan PNP [Philippine National Police] upang humingi ng tulong sa pagpapatigil ng itinatayong tulay ng Promineza Subdivisin sa Barangay Pagala ng bayang ito.

    Ayon sa mga magsasaka, ang konstruksyon ng tulay ay papatay sa kanilang tubig irigasyon.

    Sinamahan naman ng kapulisan ang mga magsasaka sa naturang lugar bilang bahagi na rin ng imbestigasyon ngunit ipinagtabuyan ang mga ito ng mga security guards ng nasabing subdivision.

    Hindi naman pumayag ang mga magsasaka ng silay ipinagtabuyan at iginiit ang kanilang karapatan sa patubig at sinasabing iligal ang konstruksyon ng tulay.

    Ayon kay Wilfredo Lapira, kapitan ng Barangay Catulinan, nauna na silang nakiusap sa pamunuan ng Prominenza na ipatigil muna ang pagpapatayo ng tulay ngunit hindi sila pinakinggan.

    Aniya, dahil sa pinutol na ng Prominenza sa pagpapatayo ng tulay ang kanilang tubig irigasyon kayat hindi na sila makapagtatanim ng palay.

    Ayon kay Lapira, malaking perwisyo sa kanilang kabukiran ang pagputol ng daan ng tubig dahil sa subdivision na makakaapekto sa libong ektarya ng palayan sa kanilang bayan.

    Ayon naman kay Santiago Salvador, 81, walang konsultasyon sa kanila ang ginawang konstruksyon na ito at nagulat na lamang silang pinutol na ang kanilang irrigation canal.

    Pangamba niya na kahit ibalik ang dating canal ay hindi na sila aabot sa panahon ng pagtatanim sa susunod na buwan.

    Ngunit ayon naman kay Engr. Randy Rovero, project engineer ng Prominenza, may permiso na umano sila sa NIA kaugnay ng tulay.

    Ngunit pinabulaanan ni Engr. Jesus Perez, Jr, hepe ng institutional development unit ng NIA ang pahayag ni Rovero.

    Sinabi ni Pereza na wala siyang nakitang permit na inilabas ang kanilang tanggapan; bukod sa wala ring maipakitang permit si Rovero.

    Idinepensa pa ni Rovero na temporary lamang ang tulay, na lalong ikinagalit ng mga magsasaka dahil sa malalaking bakal at buhos ng semento ang ginamit na materyales ng tulay.

    Ayon kay Perez ng NIA, may inilabas na kautusan ang kanilang tanggapan na ipinatitigil sa Prominenza ang konstruksyon ng naturang tulay hanggat hindi nakapag-susumite ang mga ito ng tamang plano para dito.

    Dahil dito ay pinag-aaralan na ng mga nagrereklamong magsasaka na kasuhan ang pamunuan ng Porminenza Subdivision.

    Anila ito ay maituturing na land grabbing at pagsasabotahe sa kanilang kabuhayan.

    Matatandaan na isang magsasakang Bulakenyo na nagngangalang Reynaldo Velasquez ang nauna ng dumulog sa tanggapan ni Sen. Jamby Madrigal noong ika-8 ng Abril, 2010 dahil sa aniya’y iligal na pagpapatayo ni Villar ng Camella Homes na isa pang subdivision ni Villar sa naturang bayan.

    Ayon kay Velasquez, iligal umano na nai-convert sa isang subdivision ang palayan dito sa kabila ng may batas na nagsasabing ang isang pinagkukunan ng pagkain ay hindi maaring i-convert sa kabahayan.

    Aniya, ang kanyang palayan malapit sa subdivision ay tiyak na hindi na rin papakinabangan dahil sa tinamaan nito ang irigasyon ng kanilang palayan na siya ring magsisilbing sewerage system ng subdivision kayat mapo-pollute ang kanilang patubig.

    Dahil dito ay sinabi noon ni Madrigal, kaniyang paiimbestigahan ang panibagong reklamo na ito laban kay Villar.

    Ayon kay Madrigal, ilalatag niya sa Ombudsman ang reklamong ito upang matulungan ang mga magsasakang tulad ni Velasquez. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here