
LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Naglatag ng malinaw na direksiyon at istratehiya ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang panatilihin ang katiyakan ng suplay ng abot-kayang pagkain, gayundin ang mga hakbang para sa epektibong pagtitipid.
Iyan ang sentro ng mga tinalakay sa joint meeting ng Provincial Peace and Order Council, Provincial Anti-Drug Abuse Council, at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa gitna ng kinakaharap na hamon ng pagtaas ng mga produktong petrolyo bunsod ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Ginawang pagkakataon ito ni Gobernador Daniel Fernando na matiyak sa mga Bulakenyo na may mabibiling sapat, magandang klase, at abot-kayang pagkain partikular ang bigas.
Para sa seguridad sa pagkain, iniulat ni National Food Authority Provincial Manager Rhona Payson Talens na nakabili ng 436 libong kaban ng palay ang ahensiya noong 2025 na 119.56 porsiyento sa target kaya’t matatag aniya ang buffer stock.
Sinabi naman ni Provincial Agriculturist Gloria Carillo, may inaasahang 139 libong metro tonelada ng palay ang maaani hanggang Hunyo 2026 mula sa 28,984 na ektaryang sakahan.
Iba pa rito ang 15,536.46 metro tonelada ng mga tanim na high-value commercial crops tulad ng ampalaya, talong, okra, kalabasa, kamatis, sitao, at siling panigang.
Mayroon pang 12,726 metro tonelada na iba’t ibang mga isdang nahuhuli sa mga kailugan, at latian ng Bulacan.
Sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan at bilihin, mas pinaigting pa ng Department of Trade and Industry ang price monitoring upang masegurong pasok sa itinakdang suggested retail price.
Para sa pagtitipid sa krudo, nagpahayag si Gobernador Fernando na handa ang pamahalaang panlalawigan na tiyakin na nasusunod ang Memorandum Circular 2026-011 ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Isinasaad nito ang pagbabawal sa mga sasakyang pag-aari ng pamahalaang lokal na gamitin ito sa araw ng Sabado, Linggo at mga holidays maliban kung opisyal ang lakad.
Ipinag-utos din ng gobernador ang pagsisimula na makapaglatag ng ligtas, dugtung-dugtong, at dedikadong bike lanes sa mga pangunahing lansangan sa Bulacan sang-ayon sa Memorandum Circular 2020-100 ng DILG tungkol sa Local Public Transport Route Plan.
Layunin nito na mas marami ang mahikayat na gumamit ng bisekleta sa pagpasok sa paaralan, trabaho, at hanapbuhay sa halip na magdala ng sasakyan na pinapatakbo ng gasolina.
Samantala, base sa DILG Memorandum Circular 2018-133, hinikayat ni Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia ang Pamahalaang Panlalawigan na pag-aralan ang pagsuspinde sa pagkolekta ng levy fees at taxes sa mga inter-province transport ng mga kalakal, at iba pang buwis na ipinapataw sa pagbibiyahe ng mga kargamento.
Sa pamamagitan aniya nito, makakatulong ito upang mabawasan ang presyo ng mga produktong tinatangkilik ng karaniwang mga mamimili ngayong panahon na may labis na pagtaas ng presyo ng krudo. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)


