Samal Mayor Aida Macalinao
SAMAL, Bataan — Pinayuhan ni Mayor Aida Macalinao ngayong Martes ang kanyang mga kababayan dito na “Stay sa Bahay para Stay na Buhay” sa panahon ng Mahal na Araw sa gitna ng dumaraming kaso ng coronavirus disease.
Ang pananatili sa bahay ay itinuturing ng butihing mayor na new normal na penitensiya sa gitna ng pandemya.
“Malayo ito sa ating nakagawian tuwing Semana Santa ngunit kung ito ang isa sa mga paraan upang hindi na kumalat at lumala pa ang pagkakahawahan ng sakit dulot ng Covid–19, ‘Stay sa Bahay para Stay na Buhay’,” sabi ni Macalinao.
Kung wala ang pandemiya, maraming “panoorin” sa Bataan lalo na sa bayan ng Samal, na ngayong Mahal na Araw ay ipinagbawal muna.
Dati-rati, bago pa sumapit ang Lunes Santo ay handa na ang mga kalbaryo sa mga barangay sa kabayanan. Ang kalbaryo ay may sari-saring laki at hugis na gawa sa mga kagamitang lokal tulad ng kugon, kawayan, buho, giniikan at iba pa.
Ang mga kalbaryo na may kanya-kanyang disenyo ay itinuturing na replica ng Mount Calvary kung saan ipinako sa krus ang Panginoong Hesucristo. Mula Lunes Santo hanggang Biyernes Santo, may bumabasang paawit ng Pasyon.
Miyerkules Santo pa lamang, may mangisa-ngisang nagpapasan ng krus ang makikita sa mga kalsada ng Samal ngunit pagsapit ng Huwebes Santo at Biyernes Santo ay dagsa hindi lamang ang mga nagpapasan ng krus (pasan sa balikat o patayo ang krus), kundi pati na ang mga manggagapang at mandurugo.
Kapag Huwebes at Biyernes Santo ay waring pista ng Samal dahil sa dami ng nanunood sa mga lansangan sa mga gumagapang, nagpapasan ng krus at naghahampas ng duguang likod na mga nagpepenitensiya.
Ang mga nagpepenitensiya ay dumarapa o lumuluhod at tila umuusal ng maikling panalangin sa harap ng bawat kalbaryong madaanan habang may humahampas ng palapa ng saging sa kanilang likod.
Libre ang juice sa mga kalbaryo para sa mga bumabasa ng Pasyon at dumaraang nagpepenitensiya.
Kapag Biyernes Santo ay dagsa ang mga tao sa barangay Calaguiman kung saan ginaganap ang Cenakulo na ang mga suot ng mga kalahok ay tila sa pelikulang “Ten Commandments”.
Maraming nakaka-miss sa mga ito ngunit kailangan ang kaunting sakripisyo, ani Macalinao, upang malampasan ang pandemya.
Sinabi pa ng mayor na upang tugunan ang mga pangangailangang pang-seguridad ng bayan, mananatiling bukas ang Samal command center sa buong linggo ng pagdiriwang ng Semana Santa.