Nagsasabi man ng talagang totoo
Ang suspek sa anumang uring asunto,
Na kusang loob na pinrisinta nito
Ang sarili upang tumayong testigo
Para sa estado laban sa ‘co-accused,’
Yan ay hindi basta pinahihintulot
Ng ‘prosecution’ kung malaking ‘cloud of doubt’
Itong sa usapin ay nakapaloob
Partikular laban sa sinumang suspek
Na nagnanais na maging ‘state witness’,
Dahilan na rin sa di lahat ng ‘request’
Ay pinagbibigyan ng ‘Justice Department’.
At kung mayroon mang ibang akusado
Na pinapayagan ang ating husgado
Ay yaong posibleng sangkot lang sa kaso
At hindi direktang kasamahan mismo.
Pero alam niyan ang mga pangyayari
At sa ‘witness stand’ ay malinaw pati
Nitong matutukoy at/o masasabi
Ang lahat-lahat na hangga’t maaari.
Ngunit kung ika nga ay para lang nito
Iligtas ang kanyang sarili sa kaso
O ang alin pa mang nais maabsuwelto,
Ya’y di basta na lang pupuede siguro..
Gaya na lamang ni Zaldy Ampatuan,
Na umano’y handa yatang mag-‘testify’
At tumayo bilang ‘state witness’ laban
Sa kapatid mismo’t sariling magulang
Na hinihinalang may pakana’t lahat
Ng pinakabrutal at kasindak-sindak
Na krimeng wala na yatang makatulad
Sa kasaysayan ng pamamamahayag.
Ay sino nga basta ang maniniwala
Kay Zaldy na siya ay magsasalita
Ng katotohanan upang kaipala
Ay idiin sila sa harap ng madla?
Na ang kanyang ama na si Andal Sr.
At itong kapatid na si Andal Jr.
Ang utak at tunay na kapural nitong
Nangyaring ‘massacre’ diyan sa Maguindanao?
Na hanggang ngayon ay tila ang mag-amang
Senyor at Junior pa lang ang nabasahan
Ng sakdal, matapos ang mahigit labing siyam
Na buwan, mula nang maganap ang pagpaslang.
At heto ngayon ang isang Ampatuan,
Na umano nga po ay tatayo bilang
‘State witness’ mismo sa kasong naturan,
Sino kabayan ang maniniwala riyan?
Na siya’y magsasabi nga po ng totoo
Na magdidiin sa kapamilya mismo?
(Puwera na lamang kung lumuwag ng husto
Sa pagkakakulong ang kanyang turnilyo)
Posible rin namang ya’y istrateya lang
O ‘scripted’ itong biglang pag-‘apply’ niyan
Upang maging ‘state witness’ sa kasong yan,
Kundi man pagsagip sa sarili lamang.
Pagkat kaysa silang lahat ay makulong
Ay pupuede namang i-‘sacrifice’ itong
Ibang kapamilya upang sa ganoon
Ay may Ampatuan pang kikilos doon
Para ituloy ang mga naiwanang
Plano nitong ini-idolong magulang
At ng kapatid na nasa kulungan man
Ay pupuede pa rin namang kumumpas yan!