Nilinaw sa pagpupulong na walang kaso ng bird flu sa Bulacan at layunin din ng pagpupulong na maiwasan na umabot sa Bulacan at karatig na mga lugar ang outbreak.
Napag-usapan din sa pagpupulong na magkaroon ng reactivation ng Avian Influenza Task Force na magbabantay sa lalawigan sa mga dadaan na mga manok dito na magmumula sa quarantine area sa Pampanga.
Ayon kay Bulacan Gov. Willy Sy-Alvarado, ligtas na kainin ang mga poultry products na mula sa Bulacan dahil walang insidente ng bird flu dito sa ngayon.
Nais panatilihin ng Kapitolyo na ligtas sa bird flu ang Bulacan bagamat malapit lamang ito sa Pampanga. Pinaigting ng Kapitolyo ang mga checkpoints sa mga bayan ng Baliuag, San Rafael, San Ildefonso, San Miguel, Calumpit at
Pulilan para masigurong walang makakadaan na mga manok dito mula sa quarantine areas para hindi na ito kumalat.
Bagamat ligtas daw na kainin ang mga karne ng manok na nagmumula sa Bulacan at para makasiguro ay nanawagan si Alvarado sa publiko na lutuing mabuti ang itlog at karne ng manok bago kainin dahil hindi naman mabubuhay ang virus kapag niluto ang manok.
Binigyan din ng kaalaman sa pagpululong ang mga poultry stakeholders patungkol sa avian flu influenza upang maiwasan ito. Agad na ipinauulat sa mga ito sa mga kinauukulan sakaling magkaroon ng kahina-hinalang pagkamatay ng mga manok.
Wala pa naman daw masamang epekto sa ngayon ang bentahan sa industriya ng manok sa Bulacan kaugnay ng bird fl u outbreak.
Nananatili pa rin daw ang Bulacan na nagsusupply ng 60 porsiyento ng poultry products sa Metro Manila at iba pang lugar.