STA LUCIA REALTY DEVELOPER SINISI
    78 pamilya sa Subic nawalan ng bahay dahil sa landslide

    356
    0
    SHARE

    SUBIC, Zambales – Wala ng mauuwian ng bahay ang may 78 pamilya sa Sitio Malinta at Sitio Mapanao, Barangay Asinan Proper sa bayan ng Subic, Zambales matapos itong matabunan ng putik bunga ng walang patlang na pagbuhos ng ulan.

    Tanging mga bubungan na lamang ang nakikita at halos karamihan sa mga apektadong residente ay walang nailigtas na anumang kagamitan.

    Sa inisyal na talaan ng Barangay Asinan proper, tinatayang aabot na sa 50 bahay ang natabunan, karamihan dito ay gawa sa semento.

    Karamihan sa mga residente ay may walong taon ng naninirahan sa nasabing lugar ang ilan sa kanila ay doon na nagka-apo.

    Sinabi ni Leo Santos, isa sa mga residenteng apektado ng landslide, masuwerte parin sila dahil may mga gising silang kapitbahay na nagbigay babala sa kanila na lisanin ang kanilang lugar, kung nagkataon na walang gising, aniya marami ang mamamatay.

    Ganun din ang sinabi ni Sherly Vargas, na nagsimulang dumaloy sa kanilang lugar ang tubig na nanggaling sa Sta Lucia Realty kasunod ng putik na bumababa sa bundok hanggang sa makarinig ito ng sigaw na pinalilikas na sila at malakas na dagundong na nagmumula sa kabundukan.

    Bago naganap ang insidente, nauna ng inireklamo ng mga residente ang ginagawang paghuhukay sa kabundukan ng Sta Lucia Realty, subalit naging mabagal ang aksyon ng mga kinauukulan hanggang sa dumating ang trahedya.

    Ayon kay Subic Mayor Jay Khonghun, 2008 pa nagpalabas ng cease and decease order ang Department of Environment and Natural Resources laban sa Sta Lucia Realty kaya lang hindi kaagad ito na-implement ng maayos.

    Sinabi pa ni Mayor Khonghun na idinay-vert ang tubig sa halip na sa subdivision pumunta ay sa kabahayan ng mga residente na nasa ibaba ng bundok.

    Sinabi ng alkalde na ipipilit nito sa Sta Lucia Realty na bayaran ang lahat ng nasirang ari-arian ng mga apektadong mga residente at ibalik ang dating nakagawiang hanap buhay.

    Kaagad naman nagsagawa ng Medical at Relief operation ang Olongapo City Health Deapartment at Department of Social Welfare and Development.

    Ang mga apektadong mga pamilya ay pansamantalang dinala sa Barangay Hall, kasabay ng kanilang katanungan, saan nga ba sila tuluyang maninirahan?

    Ang pamahalaan ng Subic ay gumagawa naman umano ng paraan para mabigyan sila ng tamang relokasyon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here