Home Headlines SSS, hinihikayat ang mga miyembrong mag-ipon sa WISP Plus

SSS, hinihikayat ang mga miyembrong mag-ipon sa WISP Plus

527
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Hinihikayat ng Social Security System o SSS ang mga miyembro na magkaroon ng karagdagang ipon sa pamamagitan ng Worker’s Investment and Savings Program o WISP Plus.

Ito ay inihahandog ng ahensya upang matulungan ang mga miyembro na magkaroon ng karagdagang ipon at kita maliban sa mga pinaghahandaang basic security at retirement benefits.

Ayon kay SSS Luzon Central 1 Division Vice President Vilma Agapito, bukas ang WISP Plus sa mga self-employed at voluntary members na maaaring magsimula sa halagang limandaang piso.

Ang mga inihuhulog na kontribusyon at ipon sa SSS ay tiyak na ligtas at naiingatan dahil ito ay may garantiya ng gobyerno gayundin ay tax-free at mas mataas ang interes kumpara kung itatago sa mga bangko.

Hinihikayat ni Social Security System Luzon Central 1 Division Vice President Vilma Agapito ang mga miyembro na tangkilikin ang programang Worker’s Investment and Savings Program o WISP Plus upang magkaroon ng karagdagang ipon at kita na mapakikinabangan sa oras na magretiro. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

Pinapayagan din ng ahensiya na mai-withdraw ng miyembro ang bahagi ng ipon sa WISP Plus kung sakaling biglang mangailangan o dumating ang oras ng kagipitan.

Ang mga interesadong miyembro ay maaaring sumali sa WISP Plus sa pamamagitan ng pagtanggap sa terms and conditions ng programa gamit ang My.SSS account.

Samantala ay mayroon ding WISP na isa ring provident fund program ang ahensiya na nakalaan naman para sa mga miyembro na katuwang sa paghuhulog ng kontribusyon ang mga employer, partikular ang mga miyembro na lampas sa 20,000 piso ang monthly salary credits.

Ang mga kwalipikadong empleyadong miyembro ay maaaring magsimula ng pag-iipon sa WISP sa halagang 70 hanggang sa 1,400 piso.

Dati nang mayroong voluntary provident fund program ang ahensya na Flexi Fund Program para sa mga Overseas Filipino Workers na ngayong ay inilalapit sa lahat ng mga miyembro sa pamamagitan ng WISP at WISP Plus. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here