LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Hangad ng Social Security System (SSS) Cabanatuan Branch na maparami ang natutulungan ng KaltaSSS-Collect Program.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbisita at pagpapaliwanag sa mga lokal na pamahalaan at mga tanggapan ng pamahalaang nasyonal sa paraan upang maging miyembro sa SSS ang mga empleyadong nasa job order, contract of service o permanente ang estado.
Pahayag ni SSS Cabanatuan Branch Head Elizabeth Gabon, isa ang KaltaSSS-Collect Program sa mga inisyatibo ng tanggapan upang maabot ang iba’t ibang sektor ng lipunan, partikular ang mga marginalized sector na nais mapabilang na miyembro ng SSS.
Tulad aniya ang mga empleyado ng gobyerno na nasa estadong job order o contract of service na hindi pa sakop sa coverage ng Government Service Insurance System (GSIS) ay pwedeng magpa-miyembro sa SSS bilang self-employed.
“Sa pamamagitan ng KaltaSSS-Collect Program ay hindi na sila mahihirapan sa paghuhulog dahil mapapasama rin sila sa salary deduction scheme. Sa paraang ito ay magiging systematic at masisiguro ang coverage nila para makakuha ng mga benepisyo mula sa SSS,” pahayag ni Gabon.
Tututukan ng SSS Cabanatuan Branch ang pagbisita sa mga lokal na pamahalaan at mga sangay ng pamahalaang nasyonal upang maipaliwanag ang benepisyo ng programa para sa mga nasasakupang kawani.
Paglilinaw ni Gabon, maliban sa mga JO at COS personnel ay sakop din ng existing Memorandum of Agreement sa pagpapatupad ng KaltaSSS-Collect Program ang mga permanent employees na nais mapasama sa programa.
“Hindi na nila kailangan pang magpaalam na lumabas ng opisina at gumastos ng pamasahe para lamang magbayad ng kontribusyon sa SSS dahil sa pamamagitan ng KaltaSSS-Collect Program ay awtomatiko na ibabawas ang buwanang kontribusyon sa kanilang sahod,” ayon pa kay Gabon.
Dagdag niya, hindi mandatory ang pagpapamiyembro sa SSS sa ilalim ng KaltaSSS-Collect Program, na kung saan ito ay nakadepende pa rin sa mga empleyado na nais maging miyembro at makakuha ng benepisyo sa SSS.
Ilan sa mga benepisyo na maaaring matanggap bilang miyembro ng SSS ay ang pag-avail ng loan, maternity benefit, sickness benefit at marami pang iba.
Sa kasalukuyan ay humigit 19 na lokal na pamahalaan at tanggapan ng NGAs ang katuwang ng SSS Cabanatuan Branch sa pagpapatupad ng KaltaSSS-Collect Program sa mga nasasakupang distrito sa lalawigan. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)