(Karugtong ng sinundang isyu)
At bilang hepe ng naturang tanggapan
Ay natural lang na higit kanino man,
Si Diokno ang siyang unang tatamaan
Kapag may nangyaring di pangkaraniwan;
Na kagaya nga ng insidenteng itong
Kung saan ang isang taong nakakulong
At sentensyado ng mahabang panahon
Ay labas-masok sa New Bilibid Prison
Ng walang opisyal na dokumentasyon
Mula sa tanggapan mismo ng Direktor,
Gaya halimbawa kung ito’y mayroong
Bista at kailangang humarap sa Hukom
Para makadalo, pero ya’y dadaan
Sa paraang legal, at ang kailingan
Upang makalabas ito sa kulungan
Ay di patago sa kinauukulan.
Kaya ano pa mang iregularidad
Na kagaya nitong nagagawa’t sukat
Ng isang bilanggo ang siya’y lumabas
Sa kanyang kulungan kahit anong oras
Ay di maaaring walang kinalaman
Ang nakatataas at ibang opisyal
Ng Bilibid Prison, partikular na riyan
Itong Direktor ng Pambansang Kulungan.
Pagkat imposibleng magagawa basta
Ng kahit na sino ang ganyang sistema
Kung ito ay walang naging kakutsaba
Sa loob at mga nakatokang guardya
Partikular na sa pamunuhan mismo
Ng bilibid, at kung saan si sir Diokno
Ang tiyakang responsable sa ganito
Bilang pinakapunong ehekutibo.
Kaya kung talagang ating ninanais
Makastigo itong bulok na ‘malpractice’
Nitong nasa ating Pambansang Bilibid,
Marapat lamang na itong ‘chief of office’
Ang unang sipain sa Bilibid Prison,
Kasama na pati ang kung sinu-sinong
Posibleng nalagyan o tumanggap ‘Tong’
Upang magawa ni Leviste ang ganun.
At sampahan sila ng kasong marapat
Panagutan nila sa harap ng batas,
Kasama pati na ang ‘Security Guard’
Liban sa opisyal na nakatataas;
Nang di pamarisan sa mga darating
Na araw ang ganyang buktot na gawain
Ng kung sinu-sino na madaling bilhin,
Kaysa gampanan ang kanilang tungkulin
Ng buong husay at linis ng damdamin,
Ng may takot sa Diyos at respeto na rin
Sa sarili’t upang pangalagaan din
Ang Saligang Batas na marapat sundin.
At pihong opisyal ng ‘Bureau of Prisons’
Ang kasabwat upang ang dating Governor
Ay malaya itong labas-masok doon,
Kapalit marahil ng malaking suhol;
Pagkat papaanong magawa ninuman
Ang maglabas-masok sa kanyang kulungan,
Kung ito ay walang kakutsaba man lang
Sa Bureau of Prisons o sa Correctional?