Home Headlines SONA: P113-M pambili ng palay malabo ayon sa mga magsasaka

SONA: P113-M pambili ng palay malabo ayon sa mga magsasaka

290
0
SHARE
Ang magsasakang si Melencio Domingo habang nanonood ng SONA 2025. Kuha ni Rommel Ramos

LUNGSOD NG MALOLOS – Nalalabuan daw ang ilang magsasaka sa lungsod na ito sa sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nito na maglalaan ito ng P113 million na pambili ng palay.

Hindi daw kasi nilinaw ni PBBM kung magkano nito bibilhin ang palay ng mga magsasaka.
Ayon kay Melencio Domingo, pangulo ng mga magsasaka sa Barangay Santor, malabo para sa kaniya ang mga pahayag ng pangulo sa SONA patungkol sa agrikultura.

Dapat aniya ay binanggit na nito kung magkano ba bibilhin ng pamahalaan ang kanilang mga palay.

Sa ngayon kasi aniya ay P18 kada kilo ang bili ng National Food Authority sa sariwang palay at P24 kada kilo sa clean and dry.

Balik puhunan lang aniya ang mga magsasaka kapag ganito ang presyo sa pagbili ng kanilang palay dahil sa mahal ng presyo ng puhunan sa pagsasaka.

Kaya’t hiling niya na gawin na sana ng pamahalaan na P20 kada kilo ang pagbili sa sariwang palay at P26 kada kilo naman ang clean and dry. Sa ganitong halaga aniya ay maganda-ganda na ang kita nilang mga magsasaka.

Samantalang hindi rin aniya malinaw sa SONA kung paano sasawatahin ng pamahalaan ang pagmamanipula ng mga traders sa presyo ng bigas.

At hindi din daw nilatag ni Marcos Jr. ang detalye sa plano nito na paglalagay ng mga rice processing facilities.

Maganda sana aniya ito para may patuyuan sila ng palay lalo na ngayong panahon ng tag-ulan pero matagal na daw itong sinasabi ng pamahalaan pero wala pa ring linaw kung saan at kailan ito itatayo.

Aniya, sana ay nilahad na ng pangulo nang malinaw sa kanyang SONA kung paano gagawin ang lahat ng ito na hindi tila binanggit lang ang mga plano nito sa agrikultura.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here