LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pinangunahan ni Solicitor General Menardo Guevarra ang pagdiriwang ng Ika-126 Taong Anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Pilipinas bilang isang republika sa simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Guevarra na nakatutok ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsusulong na magkaroon ng economic transformation ang Pilipinas upang lalong mapatatag at mapalakas pa ang republika.
Ang economic transformation agenda ng administrasyon ay naglalayon na maihatid ang republika bilang isang bansa na may high middle-income economy.
Tutugon aniya ito sa mga hamon na hinaharap ngayon tulad ng kahirapan, kamangmangan at bagong mananakop.
Binigyang diin ng taga-usig panlahat na mayayakap ng karaniwang mga mamamayan ang halaga ng republika kung lubos na iiral ang katarungang panlipunan na magbibigay ng pantay na oportunidad para sa lahat.
Kaya’t kinakailangan aniya na ang patuloy na paglago ng Gross Domestic Product at Gross National Product ay ganap na maramdaman sa pang araw-araw na pamumuhay ng karaniwang Pilipino.
Masusukat ito kung maraming bilang ng mga pamilyang Pilipino ang mayroong kakayahang makabili ng pagkain, makapag-aral at makapagpagamot.
Ipinaliwanag pa ni Guevarra na kinakailangan lamang na magtuluy-tuloy ang mga ginagawa ng administrasyong Marcos upang lubos na makita ang mga positibong resulta.
Hinalimbawa niya ang patuloy na pagdagsa ng mga pamumuhunan, pagpapatayo ng bagong imprastraktura at reporma sa operasyon ng pamahalaan.
Malaki rin aniya ang maiaambag ng Build-Better-More Infrastructure Program na target makapagpatayo ng nasa P9.6 trilyong halaga ng mga dekalidad na imprastraktura.
Nakapaloob dito ang istratehiya na itinakda ng Republic Act 11966 o Public-Private Partnership Code of the Philippines na maghihikayat ng mga bagong pamumuhunan para sa mas modernong mga paliparan, riles, daungan, at expressway.
Iba pa rito ang pagpapabilis sa mga proseso sa pagtatayo ng mga telecommunications at internet infrastructure sa tulong ng Executive Order No. 32 na ipinalabas ni Pangulong Marcos.
Kalakip nito ang pagpapadali rin ng sistema sa mga operasyon at serbisyo ng pamahalaan tulad ng Republic Act 11976 o Ease of Paying Taxes.
Gayundin ang pagpapatupad ng malawakang digitalization sa mga institusyon at biyurukrasya. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)