Home Headlines Sinodal na Santatlo

Sinodal na Santatlo

1115
0
SHARE

ALAMN KONG naging pamilyar na sa inyo ang salitang SYNODALITY dahil ito ang
itinataguyod na diwa ni Pope Francis sa Simbahan ngayong kasalukuyan. Dahil
tayong lahat ay naglalakbay sa mundong ito, mahalaga daw ayon sa kanya na pag-
aralan natin ang “sama-samang pakikilakbay”. Iyon ang literal na ibig sabihin ng
salitang SYNODALITY: “together on the way.”

Sa araw na ito ng Kapistahan ng Banal na Santatlo, naisip kong iugnay ang
kahulugan ng SYNODALITY hindi lang sa tao kundi sa Diyos mismo bilang Banal na
Santatlo.

Santatlo ang translation natin sa salitang TRINITY. Ang galing naman ng Filipino
ano? Napakadali nating gumawa ng salita tungkol sa pagkakaisa ng marami.
Lagyan mo lang ng “prefix” o unlaping SANG- o SAM-, sapol na agad ang ibig
sabihin. Gaano man kaarami natutukoy natin bilang isa. Halimbawa: sangkaterba,
sandamakmak, sangdamukal, sanduguan, sangkatauhan, sambahayan,
sambayanan, sangnilikha, santinakpan.

Pag sinabi natin na ang Diyos ay Santatlo, hindi natin sinasabing ang Diyos ay tatlo
kundi pagkakaisa ng tatlong persona: Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ibig sabihin,
ang pagiging ISA ng ating Diyos ay hindi PAG-IISA kundi PAGKAKAISA.

Alam natin ang pagkakaiba ng PAG-IISA sa PAGKAKAISA. Negative ang PAG-IISA,
positive ang PAGKAKAISA. Di ba iyon ang sinasabi ng madalas nating kantahin sa
simbahan, “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Walang
sinuman ang namamatay para sa sarili lamang.” Iyung mabuhay at mamatay para
sa sarili lamang, iyon ang PAG-IISA. Malungkot iyon. Ok lang na magsarili, pero
hindi ok na maging makasarili.

Sa ebanghelyong narinig natin, nagsasalita si Hesus bilang Anak. At ang sabi niya,
“Dadakilain ako ng ESPIRITU dahil ang ipapahayag niya sa inyo ay nagmula sa akin.
At lahat ng nasa akin ay sa AMA nanggaling.” Ibig sabihin, anuman ang sa Ama ay
sa Anak din, at anuman ang sa Anak ay sa Espiritu Santo rin.

Di ba may ganito tayong kinakanta noong mga bata pa tayo? “Ang akin ay iyo ang
iyo ay akin, kung tayo ay samasama, tayo ay masaya.” Mga bata pa lang tayo
tinuruan na tayong magmalasakit sa kapakanan ng isa’t isa kung ibig nating
mabuhay na masaya. Hindi magandang laging bukambibig ang AKIN, as in AKIN
ITO, AKIN IYAN. Palagay ko inimbento ang salitang SAKIM para tukuyin ang mga
mahilig mangamkam at di marunong magsabing ATIN, imbes na AKIN.

Kaya siguro naiinis ako pag nakikita ko iyong ipinapaskel sa mga barangay: TAPAT
KO LINIS KO. Ba’t di na lang BARANGAY NATIN LINIS NATIN? O kapag nagpicnic,
hindi ba mas maganda, imbes na KKB (kanya-kanyang baon) SSB (sama-samang
baon)? Sa karanasan natin, di ba pag KKB, mabilis maubusan, pero pag SSB, sobra
sobra?

Sabi ni Pope Francis isang katangian ng simbahang sinodal ang
COMMUNION—pakikipagkaisang-puso at diwa. At ito ang dahilan kung bakit
pinagkalooban tayo ng iisang Espiritu sa binyag. Ang Espiritu ang magtuturo sa
atin na magkaisa kung paanong ang Ama at Anak ay nagkakaisa.

May karugtong pang pangalawang salita ang COMMUNION, ayon sa Santo Papa:
PARTICIPATION, pakikibahagi. Ang maraming alagad na nagkakaisang puso at
diwa ay natututong ituring ang bawat isa bilang kabahagi. Ito ang nangyayari
kapag marunong na tayong magmalasakit sa isa’t isa. Nasasabi natin, “Hindi ka na
iba sa akin.” Pag natututo tayong makipagkaisang-puso at diwa, natututunan din
nating maramdaman ang sakit at kaligayahan ng isa’t isa, dahil tayo’y nagiging
iisang katawan kay Kristo.

Ganoon din sa Diyos, ayon kay Kristo. Kaya sinabi niya rin sa ebanghelyo,
“Pagdating ng Espiritu Santo, gagabayan niya kayo sa buong katotohanan. Ang
ipahahayag niya ay ang narinig niya sa akin.” (Ang sinimulan ng Anak, itutuloy ng
Espiritu.) Ibig sabihin, ang hangarin ng Anak ay ang tuparin ang hangarin ng Ama
at tinutupad din ito ng Espiritu Santo.

Sa lahat pala ng gawain ng Diyos—ang paglikha, ang pagtubos o
pagpapanatili—sama-samang gumagawa ang Banal na Santatlo. At dahil
kalarawan niya tayo, mahalaga din sa atin ang sama-samang paggawa. Sa Ingles,
TEAMWORK. Ang prinsipyo ay tulungan hindi gulangan. May tunay na
partisipasyon ang bawat isa. At totoo naman na mas higit pa ang nakakayanan
nating gawin kapag tayo ay nagtutulungan.

Minsan kahit gaano kahusay ang isang tao, kung hindi siya marunong
makitrabaho, kung hindi siya team-player, sayang pa rin. Sa basketball, buwaya
ang tawag sa kalaro na basta pinasahan ng bola hindi na bibitawan at shoot
kaagad kahit hindi ready.

May pangatlo pang sangkap ang SYNODALITY ng Diyos. At ito ang MISYON. Sa
misyon, may nagsusugo at may isinusugo. Ang Anak ay sugo ng Ama, ang Espiritu
ay sugo ng Anak at Ama. Ang pagkilos ng Diyos parang paikot, pabilog, laging
lumalabas sa sarili. Parang ipu-ipo ang galaw ng Santatlo, nagsisimula sa maliit,
lumalaki. Pero ang epekto ay kabaligtaran ng ipu-ipo. Imbes na makasira, nakalilikha, nakapagbabago, nakapagpapabuti, nakapagpapatotoo, nakapagpapaganda.

Sabi ni Pope Francis—hindi pa tayo lubos na Kristiyano kung hanggang pagsunod
lang tayo. Kaya tayo sumusunod ay para tayo ay maisugo, para magdala ng
mabuting balita, upang maranasan natin ang langit sa lupa, upang maranasan
natin sa daigdig ang paghahari ng Diyos. Ang Diyos na Santatlo ang nagpapagalaw
sa Simbahan upang habang umuunlad tayo sa communion, participation at
mission, unti-unti rin tayong nagiging sanhi ng pagbabago ng lipunan at ng buong
sanlibutan.

(Homiliya para sa Linggo ng Banal na Santatlo, Ika-12 ng Hunyo 2022, Juan 16:12-
15)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here