SA KAALAMAN ng mas nakararami
ay di na kabilang sa ‘Senate Inquiry’
si De Lima, sanhi r’yan ng pangyayari
na suspek din naman ang taong nasabi
Sa isyu ng droga na kasalukuyang
‘pending on inquiry’ at ang taong iyan
ay nasipa na nga sa pagka-chair bilang
ng ‘senate justice committee’ kamakailan.
Pero, ano’t ngayon imbes siya itong
igisa sa isyu ng droga ang bagong
Magdalena ay siyang asa mo’y kung sinong
walang bahid dungis ang tungki ng ilong?
Sa pagbitaw n’yan ng mga katanungang
ang dating sa ati’y malayo sa akmang
pagkilos ng isang may bitbit na dangal
at pag-uugali ng taong nag-aral.
Kaya kung umasta ay parang pang-Famas
na artistang laos na tadtad ng ‘make-up’
itong si De Lima sa likod at harap
ng kamera para mapansin ng lahat.
At imbes ang tunay at siyang chairperson
ng ‘justice committee on imbestigation’
ang kina Kerwin at Ronnie Dayan itong
mag-conduct ng ‘lawful cross-examination’
O itong iba pa na dapat manguna
sa ‘senate inquiry’ (at di si De Lima)
na sangkot din naman sa isyu ng droga
(ang kailangan), kasi nga’y suspek din siya
Pero siya itong asa mo ay Piskal
kung bumira kina Kerwin, Ronnie Dayan
sa ‘justice committee hearing’ na naturan
kapag may nasabing di tugma kung minsan.
At ang hinggil dito sa di magkatulad
ng petsa umano kung kailan naganap
ang bigayan base sa naging pahayag
ni Kerwin at Dayan, yan ay di pa sapat
Na dahilan para ang testimonya n’yan
ay asasabi nating kasinungalingan;
Ga’no man katalas ang ‘memory’ minsan
ng sinuman, lahat ay di matandaan.
Kung anong araw at petsa halimbawa
nangyari ang siya minsan ay nadapa,
nasaktan at nagka-bali ng malubha,
pero sa memorya madaling mawala.
Kaya di malayong ang sinuman sa’tin
ay di imposibleng makalimutan din
kung kailan nangyari ang di akalaing
mga pangyayaring kailangan sagutin.
Sakali ma’t hindi nasagot ng akma
ng mga ‘witnesses’ ang petsa o kaya
ang araw at oras, kung kailan ginawa,
nagsinungaling na sa ating akala?
Alalahanin niya, na mas sinungaling
siya kumpara kina Dayan at Kerwin,
sa pangyayari na ang hindi inamin
noon, pero bandang huli’y inamin din!